Free Spaying and Neutering Program patuloy na isinasagawa sa buong Lalawigan ng Batangas

Diwang Batangueño Storytelling, isasagawa
February 20, 2019
Invitation to Bid
February 21, 2019

February 20, 2019

Para makontrol ang populasyon ng aso at pusa sa lalawigan. Patuloy na nagsasagawa ang mga kawani ng Office of the Provincial Veterinarian, sa pangunguna ni Dr. Rommel Marasigan, ng libreng spaying and neutering sa mga alagang hayop tulad ng aso at pusa, sa iba’t-ibang bayan ng Lalawigan ng Batangas. ? Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO / Photo: Batangas OPV

Sa layuning magkaroon ng isang Rabies Free Philippines sa taong 2020, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Veterinarian (OPV), ay patuloy na nagsasagawa ng mga programa na tumutugon sa mithiing mapigilan at tuluyang matuldukan ang kaso ng rabies sa lalawigan.

Kaugnay nito, ang programang free spaying and neutering o libreng pagkakapon at paglalaygit sa mga alagang hayop, tulad ng aso at pusa, ang isa sa mga ginagawang aksiyon ng OPV upang tuluyang mawala ang nakakamamatay na rabies.

Ang programa ay isang proseso ng operasyon kung saan ang testicles ng lalaki (neutering) at obaryo ng babae (spaying) ay tinatanggal. Sa pamamagitan nito, makokontrol ang pagdami ng populasyon ng mga galang aso o pusa sa mga lansangan.

Sa ulat ni Dr. Romelito Marasigan, Provincial Veterinarian, noong ika-21 ng Enero 2019, ipinahayag niya base sa Biological Theoretical Maximum Reproduction ng mga aso at pusa, ang mahigit dalawang libong populasyon ng pusa at mahigit tatlong libo sa aso, sa loob ng anim na taon, ay maaaring lumobo sa labindalawa hanggang labinlimang milyon kung pababayaan lamang ang mga ito sa kanilang natural na kalagayan.

Ayon naman sa huling datos ng tanggapan, nakapagtala na ito ngayong taon, mula ika-28 ng Enero hanggang ika-11 ng Pebrero, ng dalawampung mga alagang hayop na sumailalim sa free spaying and neutering. Ang mga ito ay nagmula sa Lungsod ng Batangas at mga bayan ng Mataas na Kahoy, San Pascual, San Jose, Rosario at Cuenca.

Bukod sa tuloy-tuloy na pagtungo ng mga kawani ng Office of the Provincial Veterinarian sa iba’t-ibang barangay sa buong probinsya, tumatanggap din ang OPV sa mismong tanggapan nito sa may Bolbok, Batangas City, tuwing araw ng Lunes, ng mga walk-in clients na nagnanais na ipakapon at ipalaygit ang kanilang mga alagang hayop. – Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
3

Comments are closed.