February 20, 2019
Pangungunahan ng Batangas Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), sa pakikipagtulungan sa Batangas Culture and Arts Council (BCAC), ang nakatakdang mga aktibidad bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Arts Month ngayong buwan ng Pebrero 2019.
Isa sa mga aktibidad ang Storytelling Program, na nakasentro sa Diwang Batangueño, na isasagawa para sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3 ng mga pampublikong paaralan ng Barangay Wawa at Barangay Malitam, Batangas City; at Barangay Aplaya sa Bayan ng Bauan. Idadaos ang programa sa darating na ika-28 ng Pebrero 2019 sa Provincial Library at Samahang Batangueña.
Inilalarawan ng “Diwang Batangueño” ang limang pangunahing katangian ng isang Batangueño, na binubuo ng Kagitingan (nobility), Kasipagan (industry), Katalinuhan (wisdom), Katapangan (bravery) at Kagandahan (beauty).
Layunin ng programang maitaas ang kamalayan ng mga kabataang Batangueño patungkol sa kasaysayan, kultura at sining ng lalawigan.
Samantala, susundan ito ng isang tour sa Museo ng Batangas sa People’s Mansion sa Kapitolyo para sa mga dumalong mag-aaral, kasama ang kanilang mga guro. ? Marinela Jade Maneja — Batangas Capitol PIO