Epekto ng Taal Volcano Smog, Tinutukan sa City, Municipal DRRM Officers Meeting sa Kapitolyo

Batangas Province, Nakiisa sa International Coastal Clean-up Day
September 19, 2023
Resolution No. 1309 Year 2023 – Recognizing September of Every Year as Muslim – Christian Brotherhood Month in the Province of Batangas
September 25, 2023

September 20, 2023

Sa pangunguna ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer, Dr. Amor Calayan, isang pagpupulong ang isinagawa ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kasama ang iba’t ibang City at Municipal DRRM officers ng lalawigan ngayong araw ng Miyerkules, ika-20 ng Setyembre 2023 sa Dalubhasaan Building, Provincial Sports Complex, Batangas City.

Tinutukan sa pagtitipon ang ibinahaging reports ng mga MDRRMO at CDRRMO sa paligid-libot ng Bulkang Taal, bunsod sa naging epekto ng smog o vog sa kanilang mga bayan.

Ayon sa ulat ni Balete MDRRM Officer Jocelyn Tangpuz, nakapagtala sila ng anim na senior High school students na nakaranas ng pangangati ng balat, hirap sa paghinga at, ang ilan, atake ng asthma. Nabanggit din nito na pumalo na sa ₱1.9 Milyon ang tinatayang pinsala sa agrikultura.

Ilang mga paaralan naman sa Bayan ng Agoncillo at Laurel at Lungsod ng Tanauan na apektado ng smog ang bumalik muna sa Modular Distance Learning o Alternative Delivery Mode (ADM).

Dumalo rin sa nasabing pagpupulong ang mga kinatawan ng Department of Education (DepEd) Batangas Province, Lipa City at Tanauan City Divisions. Binigyang-diin dito ni James Angelo Año ng DepEd Batangas Province ang nakasaad sa DepEd Order 37, Series of 2022 o ang Guidelines on the Cancellation or Suspension of Classes and Work in Schools in the Event of Natural Disasters, Power Outages / Power Interruptions, and Other Calamities.

Sa nasabing Order, binibigyan ng otoridad ang mga High School Principals maging ang mga Local Government Units na magsuspinde ng klase sa oras ng kalamidad, kabilang ng pagaalburuto ng Bulkang Taal.

Nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nagpapahiwatig ng abnormal na kondisyon at patuloy na potensyal sa posibleng pagsabog. Paghihimok ng PDRRMO sa mga naninirahan sa palibot ng Taal Lake, umiwas muna sa mga hindi mahahalagang aktibidad sa labas ng bahay upang makaiwas sa ibinubugang Sulfur Dioxide ng bulkan.

Paalala naman ni Dr. Calayan, gumamit lamang ng standard N95 masks, na may code na 1860, upang makasigurado na mabisa at mapoprotekhan laban sa mapaminsalang smog at sa mga maaaring maging epekto nito.

Nakiisa rin sa pagpupulong sina Provincial Administrator Wilfredo Racelis at PDRRMO Assistant Department Head Fe Fernandez.

Vinson Roi De Chavez – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
3

Comments are closed.