Batangas Province, Nakiisa sa International Coastal Clean-up Day

Project Procurement Management Plan 2023 – Capability Building Program (Continuing 2020)
September 19, 2023
Epekto ng Taal Volcano Smog, Tinutukan sa City, Municipal DRRM Officers Meeting sa Kapitolyo
September 20, 2023

September 19, 2023

Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), sa pagdiriwang ng “International Coastal Clean-up Day,” na isinasagawa tuwing ikatlong Sabado ng Setyembre bawat taon sa buong mundo.

Ang naturang selebrasyon sa taong ito, na may temang “#SeaTheChange”, ay nagpapaalala at naghihikayat sa mga tao na linisin at alisin ang mga basura sa mga ilog, dalampasigan, ilalim ng karagatan at iba pang mga daluyan ng tubig sa mundo.

Kaugnay nito, ang PGENRO ay nakilahok sa paglilinis ng dalampasigan sa Bayan ng Taal, katuwang ang Taal Municipal Environment and Natural Resources Office, noong ika-16 ng Setyembre 2023.

Nakatulong din sa nasabing gawain ang mga tanggapan ng Pamahalaang Bayan ng Taal, mga guro at estudyante ng Our Lady of Caysasay Academy, mga pinuno at kawani ng DENR-CENRO, Philippine Coast Guard (PCG), Department of the Interior and Local Government, Bureau of Fire Protection, at mga opisyales at mamamayan ng Brgy. Butong, Taal.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni G. Luis A. Awitan, pinuno ng PGENRO, na tumayong kinatawan ng Kapitolyo at ni Gov. DoDo Mandanas, ang kahalagahan ng magkakatuwang at tuloy-tuloy na paglilinis, pangangalaga at pagprotekta sa buong karagatan, hindi lamang sa tuwing may ICC, kundi maging sa pang-araw-araw na pamumuhay upang mapanatili ang isang malinis at mayamang karagatan sa buong lalawigan.

Gamit naman ang mga diving equipment ng PGENRO, nagsagawa rin ng underwater clean-up o Scubasurero, ang mga miyembro ng Batangas Provincial Resource Monitoring and Clean-up Team, kasama ang PCG Divers at mga Bantay Dagat ng Taal.

Ang ICC ay sabay-sabay isinagawa sa 14 na baybaying mga bayan at lungsod sa Lalawigan ng Batangas, na nagsimula sa ganap na ika-6 ng umaga. Ang mga nalinis o nakuha na basura ay magkakahiwalay na nilagay sa sako, ayon sa uri nito.

Naitala naman ang mga naipong basura sa isinagawang 2023 ICC sa Clean Swell, ang trash collection mobile app ng Ocean Conservancy, isang internasyunal na samahan na nagsusulong ng science-based na pangagalaga sa mga karagatan ng mundo, upang ma-monitor at matugunan ng maayos ang pandaigdigang isyu ng basura.

PGENRO – Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
81

Comments are closed.