COVID-19 Vaccination para sa mga Batang Edad 5-11 Taong-gulang, Nagsimula na sa Lalawigan ng Batangas

Gov. DoDo, Nakiisa sa Pagpupulong ng WE MOVE
February 9, 2022
Bagong COA Provincial Satellite Office, Pinasinayaan
February 9, 2022

February 9, 2022

Gov. DoDo, Aktibong Nakiisa

BIDA ANG BATA, SA RESBAKUNA: Aktibong nakiisa si Governor DoDo Mandanas sa isinagawang symbolic COVID-19 vaccination activity para sa pediatric population, na may edad 5 hanggang 11 taong-gulang noong ika-7 ng Pebrero 2022 na ginanap sa Batangas Medical Center sa Lungsod ng Batangas. Nagbigay ang gobernador ng inspirational message na sumentro sa kahalagahan sa pangangalaga ng kalusugan lalo ngayong nararanasan pa rin ang pandemya. ✎Mark Jonathan M. Macaraig/Photo: JunJun De Chavez – Batangas Capitol PIO

Naging makulay at masaya ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mga batang may edad 5 hanggang 11 taong-gulang matapos isagawa ang isang children’s party-themed symbolic vaccination program noong ika-7 ng Pebrero 2022 na ginanap sa Batangas Medical Center (BatMC) sa Lungsod ng Batangas.

Ang idinaos na aktibidad ay bahagi ng pakikiisa ng Lalawigan ng Batangas sa simultaneous launching sa bansa ng COVID-19 Vaccination para sa pediatric population. Ang BatMC at Southern Tagalog Regional Hospital sa Bacoor City, Cavite ang dalawang vaccination sites na pinili para isagawa ang pilot vaccination roll-out sa CALABARZON Region.

Layunin ng pagbabakuna sa mga edad 5-11 taong gulang na palawigin ang proteksyon ng kawan o kumunidad laban sa nakakahawang sakit na dulot ng COVID-19. Bukod dito, magbibigay rin ang bakuna ng kumpiyansa sa mas ligtas na pagbabalik paaralan (face-to-face classes) ng mga bata kasabay ang dagdag proteksyon sa pagka-ospital at pagkamatay dala ng iba’t-ibang variants ng nasabing virus.

Sa naging mensahe ni Department of Health (DOH) – Central and South Luzon, Assistant Secretary Ma. Francia Laxamana, epektibo at ligtas aniya ang pagbabakuna sa 5-11 taong-gulang matapos ang mga isinagawang masusing pag-aaral na suportado ng nakalap na mga datos.
Binigyaang-diin ni Laxamana na magkaiba ang timpla o formulation ng bakuna para sa edad 5-11 at 12 taong-gulang pataas. Aniya, tanging ang Pfizer-BioNTech lamang ang bakunang may Philippine Food and Drug Administration (FDA) Emergency Use Authorization (EUA) para sa 5-11 age group at ibibigay ito ng dalawang doses na may 21 araw na pagitan.

Batay sa inilabas na anunsyo ng DOH, mas lalong nahikayat ang Pilipinas sa pagbabakuna sa nasabing pediatric population dahil sa naitalang 8.7 milyong bakunadong bata sa mundo, wala ni-isang nai-rekord na kaso ng pagkamatay, at napakataas ng porsyento ng hindi nakaranas ng kahit na anong side effect.

Aktibo namang nakiisa si Governor DoDo Mandanas, kasama si AnaKalusugan party-list nominee, Atty. Gina Reyes-Mandanas, sa ginanap na symbolic vaccination activity kung saan personal silang nag-abot ng mga food packs para sa mga bata, na hatid na handog ng pamahalaang panlalawigan.

Nagbigay din ng inspirational message ang gobernador na sumentro naman sa kahalagahan sa pangangalaga ng kalusugan higit lalo ngayong nararanasan pa rin ang pandemya.

Isa sa mga ipinunto ng gobernador ang importansya ng implementasyon ng Universal Health Care Law, na layunin na palawakin ang pagbabago sa sektor ng kalusugan upang mabigyan ng access o daan ang lahat ng Filipino sa dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan na hindi nangangamba sa gastusin.

Ito aniya ang isa sa mga tinututukan ng kaniyang administrasyon bilang pagpapakita ng pagpapahalaga sa naturang batas at sa pagnanais na mapataas ang antas ng natatanggap na benepisyong pangkalusugan ng bawat Batangueño.

Bukod dito, nabanggit din ni Governor Mandanas ang tuloy-tuloy na pagbabakuna sa DREAM Zone, Capitol Compound sa Lungsod ng Batangas, na itinalagang vaccination center ng pamahalaang panlalawigan. Matatandaan na upang mahikayat ang publiko na magpabakuna at suportahan ang pagpapataas sa herd immunity ng lalawigan, naglaan na aniya ang Kapitolyo ng insentibo o ayuda para sa mga magpapabakuna.

Samantala, ayon sa DOH, palalawakin pa ang bakunahan sa mga batang may edad 5-11 taong gulang sa ilang mga pipiliing lugar o vaccination site sa bansa pagdating ng mga supply ng bakuna. Nagbigay naman ang Provincial Health Office ng paalala, na manatiling updated sa official social media accounts ng kapitolyo kung sakaling magkaroon na ng schedule ng pagbabakuna para sa mga 5-11 years old sa DREAM Zone sa kapitolyo.

Naging bahagi sa idinaos na pilot run ng bakunahan ang pamunuan ng DOH – Center for Health Development CALABARZON, Batangas Provincial DOH, Batangas Provincial Health Office, Batangas City Health Office, at Batangas Medical Center.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.