Bagong COA Provincial Satellite Office, Pinasinayaan

COVID-19 Vaccination para sa mga Batang Edad 5-11 Taong-gulang, Nagsimula na sa Lalawigan ng Batangas
February 9, 2022
Gov. DoDo, Nakiisa sa PNP R4-A Director Command Visit sa BPPO
February 9, 2022

February 9, 2022

Personal na dumalo at aktibong nakiisa si Governor DoDo Mandanas, kasama ang ilang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa isinagawang pagbabasbas at pagpapasinaya ng bagong gawang tanggapan ng Commission on Audit (COA) Provincial Satellite Auditing Office sa Provincial Sports Complex, Barangay Bolbok, Batangas City ngayong araw, ika-9 ng Pebrero 2022.

Matatandaan na nilagdaan ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Kapitolyo at COA noong ika-15 ng Enero taong 2018, na binibigyang-pahintulot ng pamahalaang panlalawigan ang COA na gamitin ang 3,000 square meters na bahagi ng Provincial Sports Complex.

Sinimulan ang pagpapatayo ng gusali noong ika-23 ng Abril 2019, kung saan dumalo rin si Gov. Mandanas sa groundbreaking ceremony.

Sa isinagawang ribbon-cutting at blessing ceremony, binigyang-halaga ng gobernador ang pagiging magkatuwang ng pamahalaang panlalawigan at COA sa paghahatid ng nararapat na serbisyo sa publiko, lalo ngayon na naipatayo na ang satellite office.

Sumentro rin ang kaniyang mensahe sa ipinatutupad nang Mandanas Ruling, na malaki aniya ang gagampanan sa mas malawakang desentralisyon ng gobyerno at pagpapalawig ng local service delivery sa bawat pamahalaang lokal sa bansa. Ito rin aniya ang kaniyang ipinaglaban na nagresulta sa isang makasaysayang Supreme Court Decision at nagbigay ng daan upang maitama ang alokasyon ng pondo para sa mga local government units.

Ibinahagi rin ng gobernador na mananatili ang pag-agapay ng Lalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng pamahalaang panlalawigan, sa COA sa kung ano pa man ang maitutulong nito sa nasabing komisyon. Dagdag pa ng punong lalawigan, espesyal sa kanya ang tagpong ito sapagkat isa rin aniya siyang Certified Public Accountant o CPA at dati ring naging isang auditor.

Lubos naman ang naging pasasalamat ng buong pamunuan ng COA kay Gov. Mandanas at sa Batangas Provincial Government, kasama ang Sangguniang Panlalawigan, para sa naging tulong at suporta upang maitayo ang bagong tanggapan.

Mark Jonathan M. Macaraig/Photo: MacVen Ocampo – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
3

Comments are closed.