October 26, 2017
Inilatag ng pamunuan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang kanilang mga prayoridad na panukala at programa para sa taong 2018 sa ginanap na Joint Meeting kasama ang mga opisyal at kinatawan ng Provincial Peace and Order Council, Provincial Development Council at Association of Barangay Captains noong ika-25 ng Oktubre 2017 sa Provincial Cooperative Center, Capitol Site, Batangas City.
Nanguna sa agenda ang presentasyon ni Batangas PDRRMO chief Joselito Castro ng paggamit at utilisasyon ng 70% ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund para sa taong 2018.
Sa kanyang ulat, patuloy na pinalalakas ng tanggapan ng Batangas PDRRMO ang kanilang kakayahan at kaalaman sa pamamagitan ng epektibong pagbabahagi ng kanilang Local Disaster Fund na ginagamit sa pagsasanay ng mga tauhan ng Batangas PDRRMO, pagbili ng mga makabagaong kagamitan at pagpapadala ng mga tauhan nito sa mga pagsasanay para sa mga iba’t-ibang disaster situations.
Kabilang sa isinagawang mga tinalakay ay ang pag-amyenda sa Provincial Ordinance No-001 taong 2011 na naglalayong maging kabahagi ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council ang mga Civil Society Organizations na binubuo ng mga karagdagang government offices, State Universities and Colleges at pribadong sector ng lalawigan.
Napabilang na rin sa pinalakas na PDRRMC ay ang Provincial Persons With Disability Affairs Office sa hanay ng pamahalaan; Kabalikat Civicom, Koop ng mga Kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangan, Batangas Alay Lakad Foundation Inc. at Batangas Coastal Resource Management Foundation Inc. para sa mga Civil Society Organizations; Batangas State University para sa State Universities and Coll eges; habang kabilang na din ang MERALCO, BATELEC I and II para naman sa mga pribadong sector.
Inaprubahan rin ng konseho sa pangunguna ni Governor Dodo Mandanas ang inihandang Local Disaster Risk Reduction and Management Plan para sa taong 2017 hanggang 2022. / Edwin V. Zabarte Batangas PIO