Batangas ProVet: Tuloy ang Laban Kontra ASF at Iba pang Serbisyo sa Gitna ng Pandemya

Soon to Rise: Batangas Provincial Medical Center sa Bayan ng Calaca
October 24, 2020
Taal Lake Bantay Lawa, Tumanggap ng Patrol Boat mula sa Kapitolyo
October 25, 2020

October 25, 2020

Sa pamamahala ng Office of the Provincial Veterinarian (OPV), patuloy ang operasyon ng mga 18 disinfection sites sa iba’t ibang panig ng Lalawigan ng Batangas na nakatuon sa pangangalaga ng livestock industry dito.

Wala ring patid ang koordinasyon ng OPV sa pamahalaang nasyunal at mga local government units na katuwang nila sa implementasyon ng naturang programa, sang-ayon sa direktiba ni Gov. DoDo Mandanas.

Sa naging panayam ng B’yaheng Kapitolyo kay Dr. Rommel Marasigan, Provincial Veterinarian, noong ika-21 ng Oktubre 2020, kabilang ang mga ito sa ibinahaging mga programa at proyektong ipinapatupad ng kanilang tanggapan, sa kalagitnaan ng kasalukuyang pandemya.

Batay sa datos noong 2019, ang Lalawigan ng Batangas ang top producer ng baboy sa buong CALABARZON Region at pangalawa naman sa buong Pilipinas, sunod sa Bulacan. Naitala naman ang unang kaso ng epidemyang African Swine Fever (ASF) sa lalawigan noong Pebrero ngayong taon.

Kaya nga, ayon kay Dr. Marasigan, nakatutok ang OPV sa maigting na pagbabantay sa movement management ng mga baboy at pork products para makaiwas na muling makapasok ang nasabing viral disease sa lalawigan, sang-ayon sa Administrative Circular No. 12 na pinalabas ng national government patungkol sa national zoning and movement plan for ASF Control, at ang provincial memorandum circular na nakatuon din sa livestock movement management.

“Pagdating sa implementation, hindi naman po tayo tumigil sa disease prevention activity na ginagawa natin, kahit na dumaan pa tayo sa ECQ, GCQ,” saad ng provincial veterinarian. “Hindi rin tumitigil ang ating disinfection sites sa pag-ooperate.”

Bukod sa pagmomonitor ng movement ng haulers sa lalawigan, dapat din umanong masiguradong sumusunod ang nga ito sa Administrative Circular No. 12, at hindi maaaring basta na lamang makipag-transaksyon sa Batangas ng walang kaukulang papeles.

“Kung kayo ay may business dito sa Batangas, sumunod muna kayo sa mga regulasyon na ipinapatupad naming,” babala pa nito. “Kung hindi kayo susunod, huwag na kayong bumiyahe dito sa Batangas.”

Pagdating naman sa paglabag o pagkakaroon ng violation sa movement ng baboy, malaki aniya ang ginagampanan ng LGUs sa pagharap sa mga ganitong insidente sapagkat sila ang nag-uulat nito sa provincial level. Agaran namang nagpapasa ng incident report ng mga violations ang OPV sa Department of Agriculture- Bureau of Animal Industry, na siyang nagdedesisyon kung ang mga napatunayang lumabag ay maisasama sa blacklist o pagbabawalan nang makipagtransaksyon sa Batangas.

Samantala, tuloy pa rin ang pagkuha ng iba’t ibang dokumento sa kanilang tanggapan bilang pagsunod sa IATF protocols. Nagpapatupad na ang kanilang tanggapan ng online transactions sa pamamagitan ng kanilang opisyal na Facebook page na OPV Batangas, bagamat may walk-in pa rin.

“Sana po ay magkatulungan tayo sa pag-control ng ASF lalo na po iyong mga kasama natin sa LGUs, at nagpapasalamat din tayo sa kanila sapagkat talagang nandun ang pagsuporta,” ani Dr. Marasigan.

Marinela Jade Maneja – Batangas Capitol PIO, Photos: OPV Batangas

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.