Batangas Capitol Nakiisa sa 18-Day Campaign to End VAWC

4Ps MOA ng Batangas Province at DSWD IV-A, Nilagdaan
November 29, 2023
Alay Lakad ng Kapitolyo, Muling Nagbalik Ngayong 2023
November 30, 2023

November 29, 2023

Ipinakita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang patuloy na pakikiisa at pagsuporta sa pagususlong ng karapatan ng mga kababaihan at kabataan sa pinasimulang 18-Day Campaign to End Violence Against Women and Children (VAWC), sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ngayong araw, ika-28 ng Nobyembre 2023, sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Tampok ang temang “United for A VAW-Free Philippines, VAW Free Batangas,” naglalayon ito na mas mapalaganap pa ang kamalayan at adbokasiya sa pangangalaga sa mga karapatan ng mga kababaihan. Dito binigyan-diin ang mga batas at polisiya para sa mga kababaihan na maaari nilang magamit o malaman kontra sa pananakita at karahasan.

Sa ibinahaging mensahe ni Gov. Hermilando Mandanas, sumentro ito sa paksa ng equity at pagkilala, pagtingin at pagsasapuso sa karapatan ng kababaihan, partikular sa papel at ambag ng mga ito sa lipunan, at ang importansya ng pagiging magkatuwang ng kalalakihan at kababaihan para sa pangkalahatang kabutihan, hindi lamang ng lalawigan, kung hindi pati na rin ng buong bansa. Patunay aniya rito, bilang halimbawa, ang maraming mga babae na namumuno sa Batangas.

Kasabay ng programa, binigyan naman ng pagkilala ang mga nanalo sa ginawang E- Poster Making Contest tungkol sa VAWC. Nakuha nina Kim D. Musni at Razzen Mae A. Alvarez ng Balayan Senior High School ang 1st place, Christine Joy Ignacio ng Primitibo Kalaw Senior High School sa Balete ang 2nd place, at Rosemarie Discallar ng Calatagan Senior High School ang 3rd place.
Kasabay ng okasyon, isinagawa ang Oath-Taking ng mga opisyal ng Empowerment and Reaffirmation of Paternal Abilities (ERPAT) Federation ng Lalawigan ng Batangas.

Ang ERPAT ay samahan ng mga ama at kalalakihan na naglalayong maisulong ang pagiging tunay na mapag-aruga at mapagyaman ng pamilya, bilang haligi ng tahanan at katuwang ng mga kababaihan.
Nagbigay naman ng kani-kanilang pagsuporta sina 1st District Board Member (BM) at Sangguniang Panlalawigan Committee on Social Welfare Chairperson Carlo Roman Rosales, 5th District Senior BM Claudette Ambida-Alday, 5th District BM Arthur Blanco, 3rd District BM Fred Corona, Anakalusugan Congressman Ray Reyes, at Batangas Provincial Women’s Coordinating Council President, Atty. Cinderella Valenton-Reyes.

Upang mas mabigyan ng impormasyon ang mga kababaihan sa naturang programa, nagbigay ng lecture si Judge Charito M. Macalintal-Sawali, Presiding Judge / Executive Judge ng Regional Trial Court sa Tanauan City, habang si Atty. Maria Cleofe Gettie C. Sandoval ng Ateneo de Manila University School of Law ang naging keynote speaker.

Macc Venn Ocampo – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.