November 30, 2023
Sa paglalayong makapagbigay ng inspirasyon at oportunidad sa mga kabataan lalo’t higit sa mga “out-of-school youth” sa lalawigan, nagkakaisang lumakad muli ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at ang Batangas Province Alay Lakad Foundation Inc. (ALFI), kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan, mga pribadong tanggapan at civil-society groups, 48th Alay Lakad 2023, na may temang “Ituloy ang Lakad para sa Kabataan,” ngayong araw, ika-29 ng Nobyembre 2023 mula sa Provincial Community Park sa Kumintang Ibaba, hanggang sa Regina R. Mandanas DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas.
Sa kabuuan, ang Alay Lakad, na huling naisagawa ng Kapitolyo noong 2019 dahil sa pandemya noong 2020, ay nakalikom ng may kabuuang halagang ₱1,769,087, na pinagsama-samang ambagan mula sa pamahalaang panlalawigan, mga paaralan at unibersidad sa lalawigan, iba’t-ibang national government agencies, local government units, civic organizations, private companies, suppliers at mga pribadong indibiduwal.
Sa pagsisimula ng programa, nagbigay ng pambungad na pananalita si PLtCol. Jesrel Calderon, na kumatawan kay Batangas Philippine National Police Provincial Director, PCol. Samson B. Belmonte, ang Chairperson ng Walk Committee on Alay Lakad.
Nagpaabot din ng kanyang mensahe si Dr. Tirso A. Ronquillo, ang Pangulo ng Batangas Province Alay Lakad Foundation, Inc., na sinundan naman ng pagbibigay-pugay sa mga contributors ngayong taon ni Ms. Thelma R. Panganiban, ang Treasurer ng nasabing samahan.
Buong puso ang naging pasasalamat ng pamunuan ng Batangas ALFI, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, na honorary chairperson nito, sa lahat ng nakiisa sa nasabing dakilang gawain, na may layuning makaipon ng pondo na magagamit sa scholarship program ng mga out-of-school youth sa buong lalawigan.
Naging Panauhing Tagapagsalita si Congressman Ray T. Reyes, ang Representative ng Anakalusugan Partylist. Ayon kay Reyes, matapos matigil ng ilang taon ang Alay Lakad dahil sa nagdaang pandemya, ang pagpapanumbalik nito ay isang malaking hamon at isa ring paalala sa patuloy na pagmamalasakit para sa mga kabataan at pagtataguyod ng kanilang kapakanan. Aniya, sa mga kabataan nakasalalay, hindi lamang ang bukas ng Batangas, kung hindi ang bukas ng Pilipinas.
Sa pagtatapos ng programa, binigyang parangal at hinirang na Biggest Delegation ang Provincial Government of Batangas, samantalang nakuha naman ng Department of Education-Batangas ang Biggest Contribution Award. Tinanghal namang Mutya ng Alay Lakad 2023 si Ms. Lovelie Mae R. Magnaye mula sa DepEd-Batangas na nakatanggap ng Plaque of Recognition at ₱2,000 Gift Certificate.
Nagpamalas naman ng galing sa pagsasayaw ang BSU Alangilan Dance Varsity, sa kanilang pagtatanghal na nakasentro sa ipinagmamalaking Kapeng Barako ng mga Batangueño.
Nagpakita rin ng suporta sa Alay Lakad 2023 sina Provincial Information Office Head at Chief of Staff Ma. Isabel Bejasa, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Head Florita C. Lachica, Provincial School Board (PSB) Head, Ms. Gina Ferriols, 5th District Senior Board Member Claudette Ambida, Mataas na Kahoy Vice Mayor Jay Manalo Ilagan, at iba pang mga opisyales at kawani ng Kapitolyo at national government agencies.
Vinson-Roi C. De Chavez – Batangas Capitol PIO