Kaugnay ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso 2017, isinagawa ng Bureau of Fire Protection ang 5th Batangas Provincial Urban Fire Olympics na may temang “Buhay at Ari-arian ay pahalagahan, Ibayong Pag-iingat sa Sunog ay sa Sariling Pamamahay Simulan”. Ito ay ginanap noong ika-21 ng Marso 2017 sa Batangas Provincial Sports Complex na dinaluhan ng mga fire fighters ng buong lalawigan.
Naging panauhing pandangal sa nasabing okasyon si Batangas Gov. Dodo Mandanas. Sa kanyang mensahe, ipinaabot niya ang kanyang maalab na paghanga at pagkilala sa serbisyo at dedikasyon ng mga bumbero upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Binigyang diin ng gobernador ang kahalagahan ng sapat na kahandaan at kaalaman upang makaiwas sa pagkawala ng buhay at mga ari-arian.
Bilang suporta ay nagbigay ang gobernador ng financial rewards sa mga nagwagi na nagkakahalaga ng P10,000.00 para sa first placer, P 5,000.00 para sa second placer at P 3,000.00 para sa third placer. Ang halagang kanilang napanalunan ay maaari nilang magamit sa pagbili ng mga kasangkapang kinakailangan sa paghahatid ng kanilang serbisyo.
Kasama din sa benepisyong kaloob ng gobernador ang libreng pagamot at health cards para sa mga bumbero. Elfie Ilustre/PIO Capitol