2024 Regional, Provincial Women’s Month Celebration, isinagawa sa Lalawigan ng Batangas

2023 SGLG post-assessment, paghahanda sa 2024 edition isinagawa ng Batangas Capitol
March 22, 2024
Batangas Province EL Niño Task Force handa na sa epekto ng tagtuyot sa lalawigan
March 22, 2024

March 22, 2024

Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), katuwang ang Batangas State University – The National Engineering University, at sa pakikipagtulungan ng Provincial Women Coordinating Council Batangas Inc. (PWCCBI), ang isinagawang 2024 Regional/Provincial Women’s Month Celebration noong ika-21 ng Marso 2024 sa Provincial Capitol Complex, Batangas City.

Maagang pinasimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang dance exercise sa Marble Terrace ng Kapitolyo, na nilahukan ng mga bisita at empleyado ng PSWDO.

Pagkatapos nito, isang programa ang ginanap sa Provincial Auditorium na may temang, “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!” Ito ay dinaluhan ng mga delegado ng CALABARZON Regional Gender and Development Committee (RGADC) at mga kababaihan mula sa nabanggit na rehiyon.

Bagama’t hindi nakadalo sa taunang okasyon, ipinaabot ni Governor Hermilando Mandanas ang kanyang pagbati, sa pamamagitan ni PSWDO Head Florita Lachica, na patuloy na kumikilala sa kontribusyon at tagumpay ng bawat Filipina, partikular ng mga Batangueña, sa lipunan.

Samantala, suot ang kanyang baro na kulay lila na sumisimbolo sa gender equality at women empowerment, ibinahagi ni Vice Governor Mark Leviste na ang pagkakaroon ng compassion o ang paglilingkod ng may malasakit ay isang bagay na magandang matutunan mula sa mga kababaihan.

Nakiisa sa pagdiriwang ang mga babaeng mambabatas ng lalawigan na sina 6th District Senior Board Member Maria Claudette Ambida-Alday at Committee on Women and Family Chairperson BM Armie Bausas ng 1st District, kasama si 3rd District BM Alfredo Corona.

Binigyang-pagkakataon din na magbahagi ng mensahe sina Agoncillo Mayor Atty. Cinderella Valenton-Reyes, PCCWBI President at National Economic and Development Authority (NEDA) IV-A Regional Director Agnes E. Tolentino, na siya ring tumatayong RGADC Chairperson.

Sa naging pananalita ni Philippine Commission on Women (PCW) Deputy Executive Director Maria Kristine Josefina G. Balmes, inihayag niya na tumaas ang ranking ng Pilipinas sa Global Gender Gap Report ng World Economic Forum sa ika-16 na puwesto sa taong 2023, mula sa ika-19 na puwesto noong 2022. Ngunit aniya, hindi pa ito sapat na dahilan para magpahinga o tumigil sa laban para sa isang gender-equal na bansa na malayo sa anumang diskriminasyon.

Nagkaroon din ng serye ng mga talakayan sa tulong ng mga naimbitahang resource speakers patungkol sa mga suliranin na kinakaharap ng mga women with disability; ika-dalawampung taon ng Republic Act 9262 o “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004”; at Breast Care and Cancer Awareness.

Nagbigay-aliw naman ang mga estudyante ng Batangas Province High School for Culture and Arts sa kanilang inihandog na musical presentation na pinamagatang, “Babae Ka.”
Sa huling bahagi, ginawaran ang Top 20 entries ng Photo Essay Contest, kung saan nanguna ang litratong kuha ni Rishley Inlab Monares mula sa Kapayapaan Integrated School (Laguna) na may titulong “Architects of Society.” Nasa ikalawang puwesto ang entry ni Glenn Tiondo na, “Women in Agricultural Engineering,” habang nasa ikatlong puwesto ang larawan ni Stephanie Beatrice Marasigan na, “March-ing Past the Boundaries.”

Kasabay ng nasabing programa, inihatid ng Serbisyo para kay Juana ang libreng masahe, gupit, manicure at pedicure. Gayundin, muling binuksan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ang Community Food Market sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone na kinatampukan ng mga women entrepreneurs ng lalawigan.

— Gian Marco Escamillas, Batangas Capitol PIO / Photos by Macven Ocampo

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.