2021 Batangas State of the Province Address, Inilahad

Vax Center sa Kapitolyo, Bukas nang Muli
February 5, 2022
Sen. Nancy, dating VP Binay, Bumisita sa Batangas
February 8, 2022

February 6, 2022

Inilahad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor Hermilando “DoDo” Mandanas, ang State of the Province Address o SOPA para sa taong 2021 sa nakaraang 5th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan sa Apolinarion Mabini Legislative Building, Capitol Site, Lungsod ng Batangas noong ika-2 ng Pebrero 2022.

Ibinahagi ang SOPA ni Batangas Provincial Administrator Librado Dimaunahan, bilang kinatawan ni Gov. Mandanas, na binigyang- diin ang kagitingan na ipinakita ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan at lahat ng mga Batangueño sa harap ng mga magkakasunod na pagsubok.

Unang nagpasalamat si Gov. Mandanas sa mga bumubuo ng pamahalaang panlalawigan dahil sa mga napagtagumpayan na mga proyekto sa kabila ng mga balakid na hinarap, kabilang ang pagputok muli ng Bulkang Taal, mga bagyo at lindol na naranasan, at ang kasalukuyang pa ring kinakaharap na COVID-19 pandemic.

Nagpasalamat din ang gobernador sa pamahalaang nasyunal sa paglalaan sa probinsya ng mga bakunang kinakailangan upang maprotektahan ang kalusugan ng bawat Batangueño. Sa ulat sa Provincial Inter-Agency Task Force Against COVID-19 (IATF) noong ika-31 ng Enero 2022, nasa 1,717,248 o 78.93% na ng populasyon ng probinsya ang bakunado.

Binanggit din sa SOPA ang mga proyektong pinaglaanan ng malaking pondo, kabilang ang massive capability building ng health management system, kung saan pinalaki ang mga district hospitals at nakabili ng mga bagong kagamitan; mga mahahalagang imprastratural; at social amelioration, gaya ng educational assistance o scholarship sa halos isang daang libong mga mag-aaral sa buong lalawigan.

Ibinahagi din ni Provincial Administrator Dimaunahan ang mga balakin ng Kapitolyo para sa taong 2022. Partikular dito ang pagpapaganap ng Mandanas Ruling, na magpapataas ng humigit kumulang 30% sa pondo ng mga local government units, kabilang ang mga lalawigan, lungsod, municipalidad, at mga barangay.

Puspusan din ang pagpapatupad ng Universal Health Care Act, kasama ang bagong proyektong Batangas Kalusugan Card na naglalayong makapagbigay ng kalidad na medikasyon para sa lahat ng Batangueño.

Kaugnay pa rin ng patuloy na pakikipaglaban sa COVID-19, iniulat din sa SOPA ang pagpapatayo ng mga karagdagang isolation facilities sa Bauan at Tuy, na tatayo rin bilang isang provincial medical center.

Sa tulong ng karagdagang budget bunsod ng Mandanas Ruling, ikinakasa ang pagpapataas pang lalo ng bilang nga iskolars para mas makatulong sa mga estudyanteng Batangueño.

Dumalo sa pagpupulong sina Vice Governor Mark Leviste, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at iba pang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan.

Mon Antonio A. Carag III – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.