Serbisyo ng Batangas PACD, Walang Patid sa Kabila ng Pandemya

Sandugo Awards 2020, Isinagawa Online sa Unang Pagkakataon
October 10, 2020
Notice of Vacant Position
October 12, 2020

October 11, 2020

Tuloy-tuloy pa rin at walang humpay ang pagseserbisyo ng tanggapan ng Panlalawigang Tulong sa Pagpapaunlad ng Pamayanan o mas kilala bilang PACD sa kabila ng bantang dulot ng kasalukuyang pandemya.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Ginoong Dado Makalintal, PACD Assistant Department Head, ang mga isinasagawang proyekto at programa ng kanilang tanggapan sa naging panayam sa kanya sa B’yaheng Kapitolyo noong ika-23 ng Setyembre 2020.

Aniya, aktibong kumikilos ang iba’t ibang dibisyon ng kanilang tanggapan, sa pangunguna ni Ginang Fredesvinda Mendoza, na binubuo ng Barangay Community Affairs Division, Youth and Sports Development Division at Public Employment Service (PESO) sa pagpapatupad ng mga hangarin at adikhain ni Gov. DoDo Mandanas na nakatuon sa patuloy na pagbibigay ng mahusay at epektibong serbisyo publiko para sa mga Batangueño.

Binigyang-diin nito na, sa kabila ng pangkalusugang krisis ngayon, patuloy na gumaganap ang kanilang PESO Division na tulungan ang mga mamamayang Batangueño, lalo’t higit ang mga displaced workers o mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19, sa pamamagitan ng pagbibigay ng rice subsidy at financial aid. Patuloy din ang PESO sa pakikipag-ugnayan sa mga kompanya sa lalawigan na naghahanap ng mga manggagawa.

Dagdag pa nito, isinagawa kamakailan ang taunang Special Program for the Employment of Students (SPES), kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang mag-aaral na magtrabaho sa gobyerno. Sa unang pagkakataon, ang SPES ay naging work-from-home ang implementasyon.

Tinalakay rin ni Makalintal ang Provincial Assistance Program Against COVID-19 (PAPAC) ng kanilang tanggapan, na layuning makapagbigay ng pantustos na pondo sa mga barangay para sa mga basic necessities na maaaring ipamahagi sa mga nangangailangang pamilya sa kanilang mga nasasakupan.

Pagdating naman sa Barangay Community Affairs at Youth and Sports Divisions, inilahad ni Makalintal na, maliban sa mga regular na programa at proyekto ng mga ito, ay, mula ECQ, abala na ang dibisyon sa

pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa pangangalaga sa komunidad, lalo na sa mga biktima ng COVID-19. Nakapamahagi na nila ang halagang ₱20,000 na tulong pinansyal sa bawat barangay sa lalawigan, na may kabuuang halaga na ₱21,500,000 mula nang magsimula ang pandemya, bukod pa sa ₱72,126,000 na karagdagang financial assistance na ibinase sa laki ng bawat barangay.
On-going pa rin ang distribusyon ng rice subsidy para sa mga miyembro ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan.

Samantala, binigyang linaw rin sa naturang panayam ang patungkol sa PSI o Provincial Service Incentive, kung saan binibigyan ng pinansyal na insentibo ang mga retiradong barangay workers, bilang pasasalamat at pagkilala ni Gov. Mandanas sa kanilang naging trabaho noong panahang nanunungkulan pa ang mga ito.

Dagdag pa niya, ang mga kwalipikasyon para maging benepisyaryo ng PSI ay dapat nasa edad na 65 pataas, retirado at hindi na nanunungkulan pa sa barangay, at hindi bababa sa 5 taon ang naging panunungkulan. Ang mga dating kapitan, kagawad, treasurer, secretary o miyembro ng lupong tagapamayapaay magpapasa ng mga dokumento sa PACD; mga barangay tanod sa Provincial Public Order and Safety Deparment; day care workers sa Provincial Social Welfare and Development Office; at, Barangay Nutrition Scholars at Barangay Health Workers sa Provincial Health Offie.

Bisitahin ang Batangas PACD Facebook Page para sa karagdagang impormasyon dahil mayroon na umano silang online application bilang pagsunod sa health protocols.

On-going rin, ayon sa PACD assistant department head, ang kanilang programang PADAS (Provincial Anti-Drug Abuse Services) na tumutulong sa konseho ng PADAC upang mapigilan, mapahinto at tuluyan nang mawala ang iligal na droga sa lalawigan. Kasama dito ang patuloy na pagbabahagi sa mga barangay tungkol sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot, at pamamahagi ng sound system, na sa tagubilin ni Gov. Mandanas ay makatutulong sa lahat ng mga bayan ng lalawigan sa mas maging epektibong kampanya kontra sa pagkalat ng mga ipinagbabawal na gamot.

Mayen Maneja – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.