Proyektong “Hakbang Ikaw, Magiting”, Sinimulan

Hawaan ng COVID-19 sa Lalawigan ng Batangas, Bumagal noong Buwan ng Oktubre
November 4, 2020
Tulong sa Batangueñong Mag-aaral, Guro at mga Biktima ni Bagyong Rolly, Ibinahagi ng Ayala Foundation
November 9, 2020

November 5, 2020

“Bawal ang mapagod sa pagtulong sa kapwa.”

Ito ang binigyang-diin ni Governor DoDo Mandanas sa kaniyang naging mensahe sa paglulunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ng proyektong “HAKBANG IKAW, MAGITING: Tsinelas para sa mga binaha sa Batangas” na ginanap sa Barangay Libjo, Batangas City noong ika-5 ng Nobyembre 2020.

Ang naturang programa ay mula sa inisyatibo ni Governor Mandanas, katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office, na layuning mabigyan ng libreng tsinelas, mula sa mga donasyon ng mga kaakibat sa pagbibigay ng mga serbisyong pangkaunlaran at panlipunan, ang mga residente sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng pagtama ng Bagyong Rolly sa lalawigan.

Nakiisa ang punong lalawigan sa isinigawang distribution ng tsinelas sa pamamagitan ng video and audio conferencing, kasama ang mga bumubuo ng pamunuan ng Barangay Libjo, sa pangunguna ni Barangay Captain Jorge Catilo, at mga miyembro ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan.

Sa naging mensahe ng gobernador, ipinunto niya na handa at tuloy-tuloy ang lalawigan sa pagpapaabot ng tulong sa mga apektadong lugar. Bukod sa tsinelas, nauna nang namahagi ang Kapitolyo ng mga relief goods, hygiene kits, at iba pang mga kaukulang ayuda.
Dagdag pa ng gobernador na nakikipag-ugnayan pa ang provincial government sa mga mamumuhunan o investors sa probinsya para mabigyan ng agarang hanapbuhay at pagkakakitaan ang mga ito.

Ipinabatid din ni Governor Mandanas ang importansya ng mga boluntaryong naglilingkod sa mga komunidad, tulad ng mga Barangay Nutrition Scholars, Barangay Health Workers, at Barangay Tanods, na kamakailan lamang ay hiningan ng gobernador ng pag-alalay sa adhikain na mapalawig ang ipinapaabot na tulong.

“Kapag may kalamidad, tayo ay magkakasama. Mahalaga na tayo ay nakikitang nagkakaisa, nagtutulungan,” ani ng gobernador.

Nangako rin si Governor Mandanas na ang proyektong ito ay magpapatuloy, kaparis ng walang patid na pag-agapay ng lalawigan sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal at sa kasalukuyang nararanasang pandemya ng COVID-19.

Bakas naman sa mukha ng gobernador ang saya nang makita niya ang mga benipisyaryo ng mga handog na tsinelas. Nagpaalala pa ito na sa pagtulong sa kapwa, mainam din na magkaroon ng ibayong pag-iingat. Tiniyak ni Governor Mandanas na nasusunod sa lugar ang mga itinakdang minimum health and safety protocols.

Samantala, ayon kay Governor Mandanas, ikinakasa na ng lalawigan ang agarang pagkakaloob ng service patrol sa mga barangay na inaasahang magagamit sa oras ng sakuna o kalamidad.

Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: Karl Ambida – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.