PDRRMO Chief, Ipinaalala ang Kahalagahan ng Family Preparedness sa Pagpasok ng Rainy Season

Earthquake Intensity Meter ng PHIVOLCS Ini-install sa Batangas PDRRMO
June 6, 2021
Batangas, Nanguna sa Compliance ng Local Public Transport Route Plan sa buong Region IV-A
June 6, 2021

June 6, 2021

Pondo ng Lalawigan sa Panahon ng Sakuna at Kalamidad, Tinalakay

Sa pagpasok muli ng panahon ng tag-ulan, kasama ang patuloy na banta ng aktibong Bulkang Taal, ipinaalala ni Ginoong Joselito Castro, department head ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, ang kahalagahan ng “family preparedness” o ang kahandaan ng bawat pamilyang Batangueño sa pagharap sa mga maaaring maganap na sakuna.

Ito ang kanyang binigyang-diin sa kanyang naging panayam sa B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kahapon, ika-3 ng Hunyo 2021.

Mahalaga aniya, partikular sa mga lugar na madalas may mga banta ng pagbaha, pagguho ng lupa at kinakailangang lumikas, na nakahanda na ang mga first aid kit at mga basic necessities, tulad ng damit at pagkain para sa madaliang pagkilos at aksyon, kung kinakailangan.

Dagdag pa niya, na maging ang mga mangingisda ay dapat alisto sa wastong taya ng panahon dahil hindi na sila dapat pumalaot kapag may bagyo at masama ang lagay ng dagat.

Tinalakay din ng PDRRMO chief sa nasabing panayam ang Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM) fund, sang-ayon sa Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, na nasa 5% ng taunang pondo ng pamahalaang panlalawigan.

Paliwanag ni Ginoong Castro, 70% nito ay ginagamit sa mga proyektong may kinalaman sa preparedness, prevention at mitigation, kabilang ang pagbili ng mga kagamitan, rescue vehicles, pag-ipon ng mga pagkain at ibang mga maaaring pangangailangan, at pagpapatayo ng mga imprastraktura na magagamit sa disaster response.

Mayroon din aniyang Quick Response Fund o 30% ng LDRRM fund na nagagamit lamang kung ang lalawigan ay nasa ilalim ng State of Calamity.

Para sa taong 2021, ang pamahalaang panlalawigan ay may nakalaang ₱206 Milyon na LDRRM fund, na ginugugol naman sang-ayon sa pinagkaisang plano at desisyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council at pagsusuri ng Sangguniang Panlalawigan.

Sa huli, ipinaliwanag ni Ginoong Castro na ang paggastos ng nasabing pondo ay sang-ayon sa napagkasunduang mga plano at prayoridad upang makatugon sa mga pangangailangan ng pinakamaraming nangangailangang kababayan sa panahon ng mga sakuna, sang-ayon sa itinakda ng batas.

Mon Carag – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.