Hiling ni Gov. Mandanas na ₱21.5 Milyong Ayuda para sa 1,078 na Barangay sa Lalawigan, Pasado na sa Sanggunian

Batangas Capitol, Aktibong Kumikilos Kontra COVID-19
March 12, 2020
Batangas PDRRMO, Nag-ulat sa Kasalukuyang Sitwasyon ng Batangas Province sa Gitna ng Banta ng COVID-19
April 1, 2020

March 26, 2020

Sa unang pagkakataon ay isinagawang online ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Batangas ang kanilang Regular Session. Patuloy man ang ating pakikibaka laban sa COVID-19, ay hindi ito naging hadlang upang makapaghatid ng patuloy na serbisyo sa aspeto ng lehislatura ang mga miyembro ng SP.

Sa pangunguna ni Vice Governor Mark Leviste, kasama ang mga Bokal ng anim na distrito ng lalawigan, at kinatawan ng tanggapan ng Punong Lalawigan sa katauhan ni Atty. Mariane Tingchuy, isinagawa bilang “Virtual Session” ang 10th Regular Session noong ika-25 ng Marso 2020 sa Apolinario M. Mabini Legislative Bldg., Capitol Site, Batangas City.

Sentro sa naturang pagtitipon ay ang tugon ng buong Pamahalaang Panlalawigan tungkol sa kasalukuyang pangkalusugang krisis. Kaya naman, ipinasa ng SP ang kahilingan ni Governor DoDo Mandanas na makapagbigay ng halagang ₱21.5 Milyon na financial assistance para sa 1,078 na barangay sa lalawigan. Ang tulong pinansyal ay magsisilbing ayuda upang magkaroon ng karagdagang pambili ang bawat barangay ng mga pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan na ihahatid naman sa mga pamilyang higit na nangangailangan ng tulong sa panahong ito.

Isa rin sa nabigyang katuparan ng SP ang inisyatibo ni Gov. Mandanas na magkaroon ng realignment sa pondo na gagamitin upang makabili ng karagdagang medical supplies para sa frontliners at mga medical and sanitary equipment para sa itatalagang Quarantine Center.

Sa ulat ni Dr. Gerald Alday, Medical Officer IV ng Provincial Health Office na tumatayo rin bilang Incident Commander ng Provincial Inter-Agency Task Force (IATF) for COVID-19, patuloy umano ang kanilang pagbabalangkas at pagpaplano para sa nararapat na gagamiting quarantine facility sa mga magiging pasyente ng COVID-19.

Sa pahayag naman ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Joselito Castro, nananatiling bukas bente kwatro oras ang Operation Center ng PDRRMO para sa agarang pagtugon sa mga pinsalang naiwan ng pagputok ng Taal Volcano at sa kasalukuyang banta ng COVID-19. Katuwang ng IATF ang kanilang tanggapan sa pag-transport ng mga Persons Under Investigation (PUI) at Persons Under Monitoring (PUMs) papunta at pauwi mula sa mga ospital.

Samantala, kinilala at buong-puso namang pinasalamatan ni Vice Gov. Mark Leviste, sa ngalan ni Gov. Mandanas, at ng mga Board Members, ang lahat ng mga responders, frontliners, kawani ng gobyerno, pampubliko at pribadong sektor o organisasyon, mga volunteers, donors, at lahat ng mga naghahatid at nagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo.

Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
5

Comments are closed.