April 1, 2019
Isa sa binibigyang-pansin at isinasaalang-alang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mabilis at tuloy-tuloy na pag-unlad ng mga pamayanang nasasakupan nito. Mula sa sektor ng kabataan, kasama ang pagpapalakas at pagpapahusay ng mga kakayahan ng bawat barangay, pagtutok sa estado ng trabaho, maging hanggang sa larangan ng palakasan o isports, ang tanggapan ng Provincial Assistance for Community Development (PACD) ay patuloy na nagsusumikap upang mas mapalawig pa ang mga serbisyong naihahatid para sa lahat ng mamamayang Batangueño.
Kaugnay nito, ang nasabing tanggapan, sa ilalim ng pamumuno ni dating Department Head Dr. Amante Moog, na ngayon ay retirado na, at Officer-In-Charge na si Gng. Fredesvinda Mendoza, ay nakapagbahagi ng makabuluhang accomplishments para sa unang quarter ng taong 2019.
Sa Community Development Program, may kabuuang Php1.165 milyon na halaga na ang naipaabot na tulong sa 40 barangays, kung saan ginamit ito sa pagbili ng mga kagamitan at pamamahagi ng donasyon; samantalang 7 functionaries naman ang nakatanggap ng halagang PhP 11,600.00 bilang bahagi ng Provincial Service Incentive.
Ang PACD, bilang pampanguluhang katulong sa pagpapaunlad ng pamayanan, ay patuloy na nagsasagawa ng Barangay Assemblies, na may layuning malaman ang mga problema at suliranin sa pinakamaliit na yunit ng pamahalaan nang sa gayon ay makapagbigay ng solusyon para rito.
Isa sa pinaiigting ng tanggapan, sa pakikipag-ugnayan sa ilang mga ahensya, ay ang kampanya sa pagsugpo sa iligal na droga. Kaugnya nito, kinilala noong 2018 ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pamahalaang panlalawigan dahil sa mahusay at matagumpay na pagsunod nito sa kampanya ng gobyerno na sugpuin ang ipinagbabawal na gamot sa bansa, sa ginanap na 1st National Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Awards.
Ang usapin sa illegal drugs ay parte rin ng kanilang Youth and Sports Development Program, kung saan nagsasagawa ang PACD ng Anti-Drug Symposiums sa iba’t-ibang paaralan sa lalawigan. Enero hanggang Marso ng taong ito ay 2 barangay na ang nabisita para sa awareness seminar tungkol sa nasabing programa.
Bukod pa rito, nakasuporta rin ang tanggapan sa mga atletang Batangueño, kabilang ang naibahaging tulong sa Munisipalidad ng Agoncillo para sa isang boxing tournament.
Ang Public Employment Services Program o PESO, sa pakikipag-ugnayan sa pribado at pampublikong mga ahensya, ay nakakapagbigay ng oportunidad sa mga Batangueñong naghahanap ng trabaho. Nagdaraos din ang Provincial PESO ng career coaching at evaluation for Special Program for Employment of Students (SPES), kung saan nasa 209 na mag-aaral ngayong taon ang nagpasa ng aplikasyon para sa naturang programa.
✎ Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO
Photos: Batangas PACD