Suporta sa mga Private Schools sa Lalawigan ng Batangas, Isinusulong ni Gov. Mandanas

Financial Assistance ng Kapitolyo, Tuloy Hanggang Dec. 18, 2020
December 5, 2020
Bilang, Katatayuan ng mga Empleyado ng Kapitolyong may COVID-19, Iniulat
December 6, 2020

December 6, 2020

One Love. One Hope. One Family. Nakiisa si Batangas Governor Dodo Mandanas bilang Guest Speaker sa ginanap na virtual ceremony ng pagdiriwang ng 30th Anniversary ng Batangas City Private Schools Association (BCPRISA) noong ika-28 ng Nobyembre 2020. Kabilang sa larawan, ibabang bahagi, si Dr. Vivian A. Perez, Chairperson ng BCPRISA. Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO/Photos: BCPRISA Facebook Page

“Private Schools have been a major factor in promoting education. Everything starts with education and we want to continue working as one family here in the Province of Batangas.”

Ito ang binigyang-diin ni Governor DoDo Mandanas sa kaniyang naging mensahe, bilang guest speaker, sa ginanap na virtual ceremony ng 30th Anniversary ng Batangas City Private Schools Association (BCPRISA) noong ika-28 ng Nobyembre 2020.

Kaugnay nito, inilatag ng gobernador ang mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na tutugon sa mga pangangailangan ng mga pribadong paaralan sa probinsya, lalo’t higit ngayong panahon ng pandemya na lubhang nakaapekto, hindi lamang mismo sa mga paaralan, ngunit maging sa mga guro na kabilang sa pribadong sektor ng pagbibigay edukasyon sa mga kabataang Batangueño.

Inaasahan aniya na ang lalawigan ay magkakaroon ng malaking ambag sa pagbibigay ng working capital sa mga private schools na nangangailangan ng tulong at maisasagawa ito upang matamasa ang universal education para sa tertiary level.

Dagdag pa niya, bukod sa mga ipinatutupad nang mga programang nakatuon sa primary at secondary level, sa pangunguna ng Department of Education, ikinakasa na rin aniya ng lalawigan ang pagbibigay-daan upang maalalayan ang mga unibersidad at local government colleges and universities sa pamamagitan ng isang joint venture sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at mga kuwalipikadong kasaping pribadong paaralan. Ito ay tatawagin na Batangas Community College (BCC) at magiging isang government school na mapapasailalim sa pangangasiwa ng Commission on Higher Education (CHED).

“…the Provincial Government would be able to provide funds for the private schools in the province so that they can pay their loans which they had taken in order to buy and construct buildings or to acquire capital outlays like furniture, fixture, and equipment like computers for Information and Communications Technology,” pagbibigay-linaw ng gobernador.

Bukod dito, mababayaran din umano nang maayos ang mga guro, administrators, maintenance personnel, at iba pang mga operating expenses, maliban sa day-to-day activities kung saan ito ay sasagutin ng kasalukuyang administrasyon at mga faculty members and staff ng mga pribadong paaralan.

Nabanggit din ng gobernador na majority ng mga benepisyarsyong iskolar ng lalawigan ay mula sa mga pribadong paaralan kung saan sa kasalukuyan ay mayroon nang kabuuang humigit kumulang 75,000 at umabot naman sa mahigit 25,000 scholars ngayong current enrolment o school year.

Ipinunto rin ni Governor Mandanas na ang naturang pagpupulong ay sumasalamin sa maalab na pagnanasa ng Kapitolyo na makatulong at madama ang taus-pusong pagtutok sa edukasyon na bahagi mismo ng kaniyang governance thrust na HELP Program.

Ipinabatid ng punong lalawigan na nitong mga nakaraang buwan ay nakapaghatid na ang Kapitolyo, sa tuloy-tuloy nitong pagpapa-abot ng COVID-19 assistance, ng tulong at suporta sa mga pribadong guro na naapektuhan ng nararanasang pandemya.

Samantala, hindi na aniya mahirap para sa gobernador ang ginagawang pagsulong sa adhikaing maiangat ang antas ng mga private schools sa lalawigan sapagkat para sa kaniya ang edukasyon ay kasing-halaga ng kalusugan. Produkto rin aniya siya ng private education dito mismo sa Lalawigan ng Batangas at ipinagmamalaking ibinahagi rin ng gobernador na siya ay isang anak ng isang guro, na nagbahagi ng kaalaman sa mga kabataan sa loob ng apatnapung taon.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.