December 12, 2023
Bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng ika-442 taong pagkakatatag ng Probinsya ng Batangas, ipinamalas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office at Lipa Actors Company, ang muling pagsasa-entablado ng “Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw” noong ika-11 ng Disyembre 2023 sa Provincial Auditorium, Capitol Site, Batangas City.
Ang sarsuwela ay mula sa panulat ni Dr. Bienvenido L. Lumbera, Batangueño National Artist for Literature at 2019 Dangal ng Batangan Eminent Person.
Hango ito sa tulang “Hibik Namin,” ang protestang inilathala ng siyam na mga Filipina noong 1899 tungkol sa panghahalay at panggagahasa ng mga Amerikanong sundalo noong panahon ng digmaan, na naging buhay na patotoo at sumasalamin sa “panggagahasa” ng mga dayuhan, hindi lamang sa mga kababaihan, manapa’y sa bansang Pilipinas.
Sa pamamagitan ng magiting na pagsasalaysay ng siyam na kababaihan sa likod ng pagtatanghal, naipabatid ng produksyon sa mga manunuod ang naging matapang na pakikibaka ng mga kababaihan, na sa kuwento ni Ginoong Lumbera ay naganap sa Lungsod ng Lipa, Batangas, at ang aktibong pakikibahagi ng mga ito sa digmaan laban sa kolonisasyon ng Amerika. Binigyang-diin ni Chayong, ang bidang si Victoria Laktaw, na hindi dahilan ang pagiging mahina upang hindi manindigan, lalo na kung ang ipinaglalaban ay para sa pamilya, mahal sa buhay at bayan.
Sa naging mensahe ni Ginoong Amado Hagos II, ang Artistic Director at Production Designer ng dula, ang naturang sarsuwela ay isina-entablado sa pangalawa pa lamang na pagkakataon, matapos itong unang itanghal noong Agosto 2002 ng Dulaang UP sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City. Aniya’y isa itong alternatibong plataporma o pamamaraan upang ipabatid sa bawat kabataan at Batangueño ang ating pagkakakilanlan bilang isang lahi, isang probinsya at bilang isang Pilipino.
Mula sa direksyon ni Ginoong Luisito Nario, matagumpay na naitanghal ang pinagsanib na tula at musika sa isang political drama, tampok ang pagsasama-sama ng mga artista mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.
Ang muling pagtatanghal ng “Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw” ay proyekto ng Batangas Culture and Arts Council, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, upang isulong, pagtibayin at itaguyod ang sining at kultura sa probinsya, lalo’t higit sa mga kabataan ng kasalukuyang panahon.
Ornald Tabares, Jr./ Batangas PIO Capitol