December 13, 2023
Bakas sa mukha ng may mahigit sa 100 na mga batang cancer patients ang saya at pag-asa matapos mabigyang katuparan ang kanilang mga kahilingan ngayong Kapaskuhan.
Kaugnay ito sa muling pagdaraos ng Bigay Handog Activity Program ng Batangas Provincial Blood Council noong ika-12 ng Disyembre 2023 sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.
Bilang maagang Pamasko sa mga batang patuloy na nakikipaglaban sa sakit na cancer, napuno ang DREAM Zone ng samu’t saring regalo na pinagsumikapan at pinagtulungang maipagkaloob ng mga kasaping ahensya na bumubuo ng Provincial Blood Council, kabalikat ang iba’t ibang non-government organizations, media partners, at iba pang private groups and individuals sa loob at labas ng lalawigan.
Bukod sa mga personal na kahilingan na isinulat ng mga batang tinaguriang cancer warriors sa kanilang ‘wishlist,’ na binigyang-katuparan ng mga indibidwal na nagsilbi bilang kanilang mga ‘Santa Claus,’ naipamahagi rin sa mga bata ang ilan pang mga hatid na handog tulad ng grocery packs, hygiene kits, gatas, neck pillows, tumblers, towels, at mga treats, gaya ng mga candies at biskwit.
Nagdulot din ng kasiyahan sa mga cancer warriors ang isinagawang pa-raffle at ang pagbisita sa tanggapan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs, kung saan kanilang na-enjoy ang immersive experience ng Verde Island Passage. Dagdag pa rito, nagkaroon din sa venue ng hotdog at ice cream booth para sa libreng meryenda ng mga bata, gayun din ang hatid na libreng snacks para sa agahan at tanghalian, na ipinagkaloob naman ng ilang mga partner organizations.
Kinatampukan din ang aktibidad ng ilang mga performances buhat sa mga bata mula sa Cancer Warrior Foundation at maging sa mga tumatayong guardians ng mga bata. Kinompleto naman ang kasiyahan sa ginanap na pagtitipon ng mga mascots mula sa Provincial Health Office, PNP Batangas, at Shakey’s Philippines.
Sa pangunguna naman ni Governor Hermilando Mandanas, naipagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mahigit sa 100 grocery packs. Sa kaniyang mensahe, ipinunto niya ang patuloy na pagtulong ng lalawigan para sa adhikain na makapagbigay ng pag-asa at maitaas ang mga serbisyong pangkalusugan sa probinsya.
“Ito ang diwa ng Pasko, at ang Pasko sa atin, araw-araw…kaya’t naririto tayo upang talagang isa-puso at ipadama…bilang ama ng lalawigan, dapat talagang makiisa sa inyo…sa panalangin, sa pagtulong, at pagpapasaya ng lahat…nang magkaroon ng magandang buhay,” saad ni Governor Mandanas.
Bukod sa gobernador, nagbahagi rin ng kani-kanilang mensahe, kuwento ng inspirasyon, at pagsaludo sa katatagan ng mga batang cancer warriors at mga magulang sina Batangas Blood Council President at Provincial Health Officer, Dr. Rosvilinda Ozaeta; Blood Council Vice President, Mr. Ronald Generoso ng Philippine Red Cross – Batangas Chapter; Blood Council Chair, PEMSgt. Manuela Cueto ng Batangas Police Provincial Office; at Ms. Bernadette Sembrano ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya.
Nakiisa rin sa programa at mga miyembro ng blood council sina 1st District Board Member Junjun Rosales, 5th District Senior Board Member Claudette Ambida, former Batangas 2nd District Representative Congressman Raneo Abu, at council ambassadress Paola Allison Araño.
Sa huli ng programa, nagbigay naman ng kani-kanilang responses o mensahe ng pasasalamat sa lahat ng mga nagpaabot ng tulong sina Michael Galvez, na isang cancer survivor at kumatawan sa mga batang cancer warriors, at Ms. Violeta Alina, Office Manager ng Cancer Warriors Foundation, Inc. – Batangas.
Mula taong 2016, naging layunin na ng Batangas Blood Council na bigyang-katuparan ang mga munting kahilingan ng mga mga batang Batangueño mula sa Cancer Warriors Foundation. Kahit noong panahon ng pandemic, dahil naging limatado ang pagsasagawa ng mga pagtitipon, hindi huminto ang samahan upang makapaghatid ng pag-asa sa mga bata. Dito ay personal na dinadala ng mga council members ang mga kaloob na regalo sa mismong tanggapan ng Cancer Warriors Foundation sa Lipa City, Batangas.
Ang nasabing foundation ay isa sa mga regular na nabibigyan ng blood-related products and services ng council mula sa mga blood donation drives and activities nito.
Mark Jonathan M. Macaraig / Photos: Macven Ocampo – Batangas Capitol PIO