March 15, 2023
Bilang inisyal na pagtugon, magsasagawa ng agarang pag-iimbentaryo ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan sa Lalawigan ng Batangas, kasama ang mga national agency partners at private company stakeholders, ng kani-kanilang mga kagamitan na magagamit kontra sa posibleng oil spill, at pag-mobilize ng mga monitoring teams sa mga baybaying pamahalaang lokal upang mabantayan ang lagay ng karagatang sakop ng Batangas.
Ito ang napagkasunduan sa emergency meeting kahapon, ika-14 ng Marso 2023, sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas na ipinatawag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) – Batangas, bilang paghahanda sa posibleng pagpasok ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa kahabaan ng coastal areas ng lalawigan, partikular sa Verde Island Passage.
Ayon kay PCG-Batangas Commander, Captain Victorino Ronaldo Acosta IV, nakipag-ugnayan sa kanya si Governor DoDo Mandanas para sa agarang paglalatag ng isang komprehensibong contingency plan bilang paghahanda ng lalawigan sa nakaambang sakuna kung sakali ngang makaabot ang tumatagas na langis, mula sa tanker na nasiraan at lumubog sa karagatan ng Pola at Naujan, Oriental Mindoro, sa karagatang sakop ng lalawigan.
Ibinihagi ni Captain Acosta na binigyang-diin ni Gov. Mandanas ang kahalagahan ng kahandaan ng lalawigan upang makontrol at mapagaan ang mga maaaring maging negatibong epekto ng tumagas na langis sa kapaligiran, kabuhayan at kalusugan ng mga naninirahan at naghahanap-buhay sa baybayin ng lalawigan.
Iminungkahi ni Ginang Fe Fernandez, Assistant Department Head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na isailalim ang lalawigan sa Blue Alert Status, para pormal na magkaroon ng mga paunang paghahanda lalo na sa mga posibleng maapektuhang lugar, kabilang ang tuloy-tuloy na risk analysis at monitoring ng sitwasyon, at pagpaplano para sa mga wastong pagtugon.
Kaugnay nito, magbibigay ng rekomendasyon ang mga miyembro ng PDRRMC, na pinangungunahan ng gobernador bilang chairperson, upang magpalabas ng Memorandum Order patungkol sa nasabing panukalang ilagay ang lalawigan sa mas mataas na antas ng alert level.
Nagpahayag naman ng kahandaan ang ibang mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, kabilang ang Provincial Social Welfare and Development Office at Provincial Health Office, sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga posibleng maapektuhang mamamayan.
Positibo rin ang mga pribadong kompanyang naka-base sa baybayin ng probinsya, na buong pagkakaisang nagpahayag ng kanilang kahandaang tumulong at umaksyon, sang-ayon sa oil spill contingency plans, upang mapangalagaan ang kapaligiran ng Batangas kung sakali ngang umabot dito ang oil spill, na naganap sa Oriental Mindoro at tinatayang may layong 31 kilometro mula sa Verde Islang Passage.
Agad ding magsasagawa ng water quality monitoring ang Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), katulong ang PCG, upang masigurong hindi pa umaabot sa lalawigan ang kumakalat na langis. Makikipag-ugnayan na rin ang pamahalaang panlalawigan sa mga Bantay Dagat network at mga lokal na mangingisda ng lalawigan upang masubaybayan ang karagatang sakop ng kani-kanilang mga bayan.
Mas palalawakin na rin ang information campaign patungkol sa nasabing sitwasyon upang maging handa na rin ang mga barangay at komunidad sa palibot ng coastal areas ng Batangas, at, sang-ayon sa mungkahi ng PCG, ay tuturuan ang mga residente dito na maggawa at gumamit ng mga booms at artificial barriers sa dagat kontra sa langis, gamit ang mga materyales na makukuha locally, kagaya ng dayami at bunot ng niyog.
Ang emergency meeting ay pinangunahan nina Provincial Administrator Wilfredo Racelis, bilang kinatawan ni Gov. Mandanas, Provincial Planning and Development Coordinator, Engr. Evelyn Estigoy, at Captain Acosta, at dinaluhan ng mga kinatawan ng mga tanggapan ng Kapitolyo, national agencies, coastal local government units, at mga private company stakeholders na mga kabalikat ng pamahalaang panlalawigan sa Provincial Risk Reduction and Management Council.
Ayon sa mga eksperto, hindi kumpirmado ang projection na inilabas ng UP Marine Science Institute (UPMSI) na maaaring umabot sa Verde Island Passage at mga baybayin ng lalawigan ang Mindoro oil spill, subalit naghahanda pa rin ang lalawigan sa posibilidad nito.
Isang follow-up meeting ang nakatakdang gawin sa Huwebes, ika-16 ng Marso 2023, kasama ang mga mayor at opisyal ng mga coastal local government units ng Batangas upang pag-isahin at pagsama-samahin ang mga plano at pagkilos upang maging epektibo ang mga ito.
Vince Altar – Batangas Capitol PIO