February 22, 2024
Kaugnay sa binabalangkas na pagdadaos na isang Economic Business Summit, nakipagpulong ang ilang mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga opisyal ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) noong ika-21 ng Pebrero 2024 sa Lungsod ng Pasay upang pagtalakayan ang mga maaaring “partnerships and collaboration.”
Sa pamamagitan nina Provincial Administrator Wilfredo Racelis at Provincial Planning and Development Office (PPDO) head Marisa Mendoza, kasama ang ilang technical staff, inilatag ng mga taga Kapitolyo ang ilang mahahalagang paksa, kabilang ang implementasyon ng uniform local business tax, sang-ayon sa mga pambansang batas at polisiya, at ang 2021 CREATE Act o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises.
Layunin ng mga nasabing batas na gawing mas kaaya-aya ang Pilipinas para sa mga mamumuhunan, kumpara sa mga karatig na bansa sa Timog Silangang Asya sa pamamagitan ng pagbababa ng corporate income taxes sa 25% at 20% naman sa small, medium and micro enterprises.
Ipinunto ng pamahalaang panlalawigan na makapaghihikayat ito na magbukas ng mas maraming negosyo sa maraming bahagi ng bansa, kagaya ng Batangas Province, bukod pa sa likas na mga economic advantages na mayroon dito.
Sa huli, ipinabatid ng PEZA, na kinatawan sa pagtitipon ni Atty. Ross Vincent Sy, Enterprise Regulation and Support Services Group Manager, na makikiisa sila sa pinaplanong Summit, at magbabahagi ng mga mahahalagang guidelines, impositions, at policies. Binigyang-diin naman ng nasabing ahensya na dapat maintindihan din ng mga pamahalaang lokal, na pinagtatayuan ng mga economic zones, na mayroong “gestational period” ang mga ito o hindi agarang nararamdaman ang mga benepisyo ng mga EcoZones sa ekonomiya. Anila, ang kapakinabangan ng mga ito sa mga komunidad ay nararamdaman matapos lamang ang pangmatagalan at tuloy-tuloy na operasyon. Batangas PIO Capitol – V. Altar / PPDO – Mean Maldonado / Photos: PPDO