February 22, 2024
Personal na pinangunahan nina Provincial Administrator Wilfredo Racelis at Provincial Planning and Development Office (PPDO) Officer-In-Charge, EnP. Marisa Mendoza ang ginanap na pakikipagpulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga kinatawan ng Philippine Board of Investments (BOI), isang attached agency ng Department of Trade and Industry, noong ika-21 ng Pebrero 2024 sa Lungsod ng Makati.
Ang isinagawang pagtitipon, kung saan nakadaupang-palad ng mga taga-Kapitolyo sina BOI Director Maria Rosario Dominguez ng Domestic Investments Promotion Service at Director Ernesto Delos Reyes, Jr. ng Investment Assistance Service, ay kaugnay sa paghihikayat at imbitasyon ng pamahalaang panlalawigan na makilahok ang BOI sa inihahandang pagdaraos ng Economic Business Summit ngayong unang semestre ng taon.
Inaasahan sa summit na mas mapapalakas at mapapalawig pa nito ang mga oportunidad sa pamumuhunan sa lalawigan, makaakit o maka-engganyo ng mas marami pang investors, at mapataas ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan sa pagtataguyod o pagkakaroon ng mga “investment-friendly” na lugar.
Hinikayat naman ng BOI ang probinsya na maghanda rin ng isang ‘value proposition’ at lumikha o bumalangkas ng sariling ‘pitch deck,’ na nagpapakita ng natatanging katangian ng Batangas, mga ‘advantages’ ng lalawigan pagdating sa aspeto ng investment, at potensyal sa supply chain.
Ilan sa mga istratehiyang natukoy tungo sa pagsuporta sa pagpapaunlad at pagpapalago ng ekonomiya ay ang maka-engganyo ng mga mamumuhunan, na sinasabayan ng mga inisyatibong may kinalaman sa business retention o pagpapanatili ng negosyo.
Batangas PIO Capitol – Jonathan Macaraig / PPDO – Mean Maldonado / Photos: PPDO