January 11, 2019
Pinakamababa sa nakaraang 12 taon, 28 ang naging biktima ng mga paputok samantalang walang nasaktan dahil sa ligaw na bala sa Lalawigan ng Batangas, sang-ayon sa ulat ng Provincial Health Office (PHO), nang salubungin ng mga Batangueño ang Bagong Taong 2019.
Ito ay hango sa Firecracker and Blast Injury Report, na naitala mula ika-21 ng Disyembre 2018 hanggang ika-5 ng Enero 2019, na nakalap mula sa 12 ospital sa lalawigan na nasa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng PHO.
Sa ulat ni Dr. Rosvilinda Ozaeta, Provincial Health Officer, ang 28 nasugatan ang pinakamamababa sa 12 taong talaan ng PHO, na nakapaggamot ng pinakamaraming mga biktima ng paputok noong 2014 at 2015, kung kailan 115 at 102 ang nasaktan, ayon sa pagkakasunod.
11 sa mga na-ospital dahil sa mga firecrackers ang naputukan ng kwitis, 3 ang dahil sa baby rocket at 3 rin ang napinsala ng piccolo.
Pinakabatang biktima ang isang 2 taong bata na natamaan ng kwitis, habang pinakamatandang nasugatan ang isang 59 na taong gulang na naputukan ng piccolo. Vince Altar – Batangas Capitol PIO