Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, Nakiisa sa World Wildlife Day

Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, Nakiisa sa World Wetlands Day
March 5, 2022
Gov. DoDo, Binigyang-pagkilala ng PDEA RO IV-A
March 8, 2022

March 5, 2022

Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pagdiriwang ng “World Wildlife Day,” na isinasagawa tuwing ika-3 ng Marso bawat taon.

Ang naturang selebrasyon ay may temang “Recovering key species for ecosystem restoration,” na naglalayong mapataas ang pandaigdigang kamalayan ng mga mamamayan sa konserbasyon ng ilan sa mga pinaka-kritikal na endangered species ng wild fauna at flora at magpatupad ng mga solusyon o programa upang mapangalagaan ang mga ito.

Sa pamamatnubay ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), kaagapay ang mga Municipal Agriculture Offices, Municipal ENR Offices at Bantay Dagat, patuloy ang pagsasagawa ng mga Information Education Campaign o IEC upang tumaas ang kamalayan ng mga baybaying lungsod at bayan na pahalagahan at pangalagaan ang mga species tulad ng dolphin, butanding o whale shark, pawikan o marine turtle at iba pang mga endangered species.

Patuloy ang pangangalaga at pagbabantay sa lalawigan ng mga pawikan nests at pagpapakawala ng mga bagong pisang pawikan, na kalimitan ay Olive Ridley, sa mga baybayin ng Batangas City, Bauan, Calatagan, Lemery, Lian, Lobo, Nasugbu, San Luis, San Juan at Tingloy. Isa itong indikasyon na malinis ang karatagan kung kaya’t ito ay pinipili at binabalik-balikan ng mga pawikan upang paglagakan ng kanilang mga itlog at magparami.

Samantala, nakikita rin ang mga dolphin at butanding sa mga karagatan ng Batangas City, Mabini, Tingloy at Nasugbu mula buwan ng Enero hanggang Hunyo.

Nagpapatunay lamang ito na ang patuloy na maayos na pamamahala sa karagatan ay napakahalaga, hindi lamang para sa mga nasabing species kundi para sa mga mamamayan na nakatira sa baybayin na umaasa sa mga yamang dagat.

Sa patuloy na direktiba ni Governor DoDo Mandanas, at sa pamamagitan ng PGENRO, walang patid ang pagsasagawa ng iba’t-ibang gawain upang mas maisulong ang pagpapanatili ng isang malusog, maayos at malinis na kapaligiran sa buong lalawigan, katuwang ang mga coastal Local Government Units (LGUs), mga miyembro ng academe, non-government organizations (NGOs), at mga pribadong samahan, maging sa panahon ng pandemya.

PG-ENRO – Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.