Oryentasyon sa Proseso ng Batangas Kalusugan Kard Roll-out Nagsimula Na

Notice of Vacant Positions
February 10, 2022
Invitation to Submit Quotation – Shopping (February 15, 2022)
February 15, 2022

February 14, 2022

Inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang proseso ng pamamahagi ng Batangas Kalusugan Kard sa Lalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga volunteers.

Pinangunahan ng mga opisyal ng Kapitolyo, katuwang ng Anak Kalusugan Party List, ang oryentasyon ng iba’t-ibang barangay at community functionaries, tulad ng mga Barangay Health Workers, Child Development Workers, Barangay Nutrition Workers at mga kasapi ng Senior Citizens Federation, para sa malinaw at maayos na proseso ng aplikasyon ng mga nagnanais magkaroon ng Kalusugan Kard. Ginanap ito sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City noong ika-10 ng Pebrero 2022.

Ang Batangas Kalusugan Kard ay isang health insurance program na inihahanda ng Provincial Social Welfare and Development Office, kasama ang Provincial Health Office, para sa “Libreng Pagamot Program” na naglalayong sagutin ng pamahalaang panlalawigan ang mga medikal na serbisyong hindi sakop ng PhilHealth. Ito ay bukas sa lahat ng Batangueño, na may edad 18 taong-gulang pataas.

Sa ilalim ng Libreng Pagamot Program, gagawin ang pagkalap ng aplikasyon para sa data-based health information system na nakasaad sa Universal Health Care (UHC) Law para mapabilis at maging episyente ang pagpapatupad ng programa.

Sang-ayon sa Health Integration Management na itinakda ng UHC, binibigyan ang mga lalawigan at mga highly-urbanized cities and municipalities na magsagawa ng kanilang proseso at programang pangkalusugan na mabilis, epektibo at makakaya para sa kanilang mga mamamayan.

Ayon kay Gov. DoDo Mandanas, hindi lamang nasasaklaw sa mga pampublikong pagamutan ang ibibigay na benepisyong pangkalusugan, kundi kasali rin dito ang mga prosesong medikal na hindi kayang gawin sa mga pampublikong ospital at nangangailangan ng pagtugon sa mga pribadong pagamutan sa lalawigan.

Naging bahagi din ng programa ang pagbibigay ng financial grant para sa iba’t-ibang grupo na may kaugnayan sa social welfare tulad ng Batangas Alay-Lakad Foundation Inc. at Association of Local Social Welfare Officers na nakatanggap ng halagang ₱300,000 at ₱250,000, ayon sa pagkakasunod, para sa mga proyekto ng mga ito.

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan nina Atty. Gina Reyes- Mandanas ng Anak Kalusugan Party List, Chief of Staff at Provincial Information Officer Maria Isabel Bejasa, Provincial Health Office, Dr. Rose Ozaeta, at Provincial Social Welfare and Development Officer Jocelyn Montalbo.

Edwin V. Zabarte / Photos: JunJun De Chavez- BatangasCapitolPIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.