Mga Tagapagsulong ng Voluntary Blood Services Program sa Batangas, Kinilala sa SANDUGO Awards 2023

Maliputo Culture Project ng Kapitolyo Sinimulan na rin sa Lemery
August 18, 2023
Supplemental / Bid No. 1 (Q-48) August 30, 2023
August 22, 2023

August 22, 2023

GIVE BLOOD, GIVE PLASMA, SHARE LIFE, SHARE OFTEN. Nanguna ang Lungsod ng Batangas, para sa City Category, at Bayan ng Alitagtag, para sa Municipal Category, bilang mga Top Local Government Unit Performers na nakapagtala ng may pinakamatataas na blood collection accomplishment para sa taong 2022, sa isinagawang SANDUGO Awards 2023 na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Site, Batangas City noong ika-18 ng Agosto 2023. Pinangunahan ang paggagawad ng pagkilala ni Governor DoDo Mandanas, tumatayong honorary chairperson ng Batangas Provincial Blood Council, kasama si Department of Health (DOH) – Center for Health Development IV-A Regional Director, Dr. Ariel Valencia, at iba pang mga kasaping miyembro ng blood council. ✎Mark Jonathan M. Macaraig/Photo: MacVen Ocampo – Batangas Capitol PIO

“Tayo ay tunay na SANDUGO, iisang dugo…mananatili na marubdob, malakas ang puso sa ating lalawigan. Sa pamamagitan ng ating halimbawa at sama-samang pagpupunyagi, tunay na maitataas natin ang antas ng pagkakaisa sa pamamagitan ng ating dugo.”

Ito ang ipinahayag ni Governor DoDo Mandanas sa kaniyang naging mensahe sa ginanap na SANDUGO Awards 2023 noong ika-18 ng Agosto 2023 sa Provincial Auditorium, Capitol Site, Batangas City.

Sa naturang awarding ceremony, muling pinasalamatan, kinilala, at binigyang-halaga ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at Provincial Blood Council ang mga volunteer blood donors at active partners na nagsisilbing kaagapay at katuwang sa pagpapaganap ng voluntary blood services program sa lalawigan.

Sa tulong ng mga tagapagtaguyod ng nasabing programa at bawat kasaping miyembro ng konseho, naitataguyod ng probinsya ang pagkakaroon ng mapagkukunan na sapat na suplay ng ligtas na dugo at iba pang quality-assured blood products para sa kapakinabangan ng mga nangangailangang Batangueño at iba pang mga taga karatig-lalawigan.

Kinilala sa naturang programa ang mga bayan at lungsod na may pinakamatataas na blood collection accomplishment at lumagpas sa itinakdang target na 1% ng nakoletang dugo, batay sa kabuuang populasyon para sa taong 2022.

Sa top performing cities, nanguna ang Batangas City na nakapagtala ng 256% na total blood collection accomplishment, at sinundan ng mga Lungsod ng Lipa (185%) at Tanauan (157%).

Ang bayan naman ng Alitagtag ang nanguna bilang top performing municipality na may record na 263% blood collection accomplishment, at sinundan mga Bayan ng Cuenca (219%) at Malvar (199%).

Binigyang-rekognisyon din ng blood council ang mga lokal na pamahalaan na nakapagtala ng mahigit sa 100% blood collection accomplishment, kabilang ang mga Lungsod ng Sto. Tomas (151%) at Calaca (100%), at mga Bayan ng Taysan (161%), Calatagan (154), Nasugbu (150%), at Balayan (101%).

Ginawaran din ng rekognisyon ng konseho ang iba pang mga lokal na pamahalaan at organisasyon sa lalawigan na katuwang sa tuloy-tuloy na pagsasagawa ng mga blood donation programs.

Dagdag pa rito, ang pagpapahalaga na ibinigay ng konseho sa ilang mga indibidwal na bahagi ng adhikaing boluntaryong makapagbigay ng dugo at makatulong sa mga nangangailangan. Kabilang sa mga ito ang volunteer blood donor at blood galloner awardee na si Ms. Elena Driz, animnapu’t walong taong gulang mula sa Barangay Libjo, Batangas City, at ang blood recipient na si Audrey Brielle Buela, isang cancer patient mula sa Cancer Warrior Foundation.

Samantala, buong pagmamalaking ibinahagi ni Provincial Health Officer at tumatayong pangulo ng blood council, Dr. Rosvilinda Ozaeta, na ang Batangas Provincial Blood Council ang tanging buhay at aktibong blood council sa buong CALABARZON region. Hinikayat din niya ang lahat na makiisa sa boluntaryong pagbibigay ng dugo nang sa gayon ay marami pa ang matulungan at madugtungan ang buhay.

Naging kaisa rin sa ginanap na Provincial SANDUGO Awards 2023 sina Department of Health (DOH) – Center for Health Development IV-A Regional Director, Dr. Ariel Valencia; DOH Provincial Director, Dr. Elizabeth Sario; Blood Council vice president at Philippine Red Cross Batangas Chapter Administrator Ronald Generoso; Blood Council chairperson, PEMSgt. Manuela Cueto; at Blood Council ambassadress Paola Allison Araño.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.