Mga Programa, Aktibidad sa Larangan ng Isports, Tinalakay ng Batangas PACD

Supplemental Project Procurement Management Plan
July 18, 2023
Batangueñong Jail Chief Superintendent ng BJMP, Kinilala ng Kapitolyo
July 18, 2023

July 18, 2023

Puno ng kagalakang ibinahagi ng Provincial Assistance for Community Development (PACD) na patuloy ang ginagawang mga inisyatibo at pagbibigay-suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas upang maitaas pa ang antas ng mga programang may kinalaman sa larangan ng isports o palakasan.

Sa naging panayam noong ika-13 ng Hulyo 2023 ng B’yaheng Kapitolyo, ang official Radio Program ng pamahalaang panlalawigan, kina Mr. Meynard Medina, Sports Development Officer III, at Joymee Lyn Manalo, Sports Development Officer I, na kapwa nagsilbing kinatawan ni PACD Department Head Fredesvinda Mendoza, ipinabatid nila ang mga kasalukuyang aktibidad na ipinagaganap ng kanilang tanggapan para mabigyan ng kahalagahan at pagkilala ang mga atletang Batangueño.

Ayon sa dalawa, patuloy na nakakapag-produce ng mga medalists ang lalawigan sa tulong, suporta, at pag-alalay na inihahatid ng PACD sa mga manlalaro. Hindi rin anila nahihinto ang kanilang tanggapan na makapagbigay ng cash incentives at sertipiko ng pagkilala sa mga nagbibigay-karangalan, hindi lamang sa lalawigan kung hindi pati na rin sa bansa.

Nakakapagbigay din anila sila ng financial assistance o ayuda bilang karagdagang suporta ng Kapitolyo sa mga barangay at Sangguniang Kabataan na nagdadaos ng mga liga, batay sa isinusumiteng request ng mga ito.

Nakakapagkaloob din ang pamahalaang panlalawigan ng tulong sa mga Board Members ng Sangguniang Panlalawigan para makapagsagawa ng mga palaro o liga sa iba’t ibang opisyal mula barangay hanggang municipal level. Isa na rito ang Philippine Councilors’ League (PCL) Cup – Batangas, na pinangangasiwaan ng tanggapan ni Batangas PCL President, Board Member Melvin Vidal.

Kamakailan, sa adhikain ni Governor Mandanas na mapalawak ang serbisyong pang-isports ng pamahalaang panlalawigan, nagsagawa na rin ang PACD ng basketball referees’ training, kung saan nabigyan ng karampatang pagsasanay ang mga referees o tumatayong officials nang sa gayon ay mas mahasa ang kanilang kakayahan na mamahala ng may sapat na kaalaman sa isang tournament o palaro.

Inilahad din ng mga sports development officers na nakahanda na ang kanilang tanggapan na maglunsad ng mga pagsasanay para sa iba pang sports discipline. Pinapanatili rin anila ang kaayusan ng Sport Complex sa Barangay Bolbok sa Lungsod ng Batangas na siyang ginagamit ng ilang mga manlalaro sa training.

Samantala, bilang bahagi naman ng Civil Service Month Celebration ng Kapitolyo at sa pamamagitan ng pag-apruba ni Gov. Mandanas, masayang ibinahagi ng mga kinatawan ng PACD na magkakaroon ng Governor’s Cup 2023. Ito, anila, ay magpo-promote ng work-life balance sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan at magbibigay ng pagkakataon sa mga empleyado na maipamalas ang kanilang galing sa larangan ng isports.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.