December 21, 2022
Bahagi ng isinasagawang Paskong Batangueño sa Kapitolyo 2022, ang gabi-gabi na mga pagtatanghal ng iba’t ibang sektor ng pamayanan. Nitong nakaraang Sabado, ika-17 ng Disyembre 2022, sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ginanap ang Paligsahan sa Pag-awit ng Solo para sa mga Persons with Disability (PWD) sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.
Bagama’t mayroong espesyal na mga pangangailangan, anim na kalahok mula sa anim na distrito ng lalawigan ang nagpakita ng kanilang angking talento sa pamamagitan ng buong-pusong pag-awit ng mga kantang Pamasko na isinulat ng mga Pilipinong kompositor at mang-aawit.
Sa kanyang rendisyon ng awiting “Pasko na Sinta Ko,” nasungkit ni Mary Jane Austria mula sa bayan ng Lemery ang unang puwesto, habang sinundan siya nina Venus Pelobello ng Lipa City at Kimrae Bonquin De Robles ng San Juan, Mabini, Batangas.
Ipinagkaloob sa mga nanalo ang sertipiko at cash prize na nagkakahalaga ng ₱15,000 para sa first place, ₱10,000 para sa second place at ₱5,000 para sa third place. Natanggap naman nina Reymark Mendoza, Raquel R. Garniel at Charlene A. Bilog ang tig-₱3,000 bilang consolation prizes.
Gian Marco Escamillas / Photo: PSWDO – Batangas Capitol PIO