Mga Batangueño, Ipinagdiwang ang ika-125 taon ng Araw ng Kalayaan sa Kapitolyo

SUPPLEMENTAL/BID BULLETIN NO. 02 and NO. 03
June 9, 2023
World Blood Donor Day, Ipinagdiwang sa Lungsod ng Sto. Tomas
June 15, 2023

June 13, 2023

Nangibabaw ang diwa ng pagpapahalaga, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan ng mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa isinagawang pagdiriwang ng ika-125 taong Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo 2023, sa Capitol Compound sa Lungsod ng Batangas.

Sa gabay ng temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan,” pinangunahan ang naturang paggunita sa kasarinlan ng bansa ni Governor DoDo Mandanas, kasama sina Acting Vice Governor Claudette Ambida, AnaKalusugan Party-List Representative Ray Florence Reyes, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, department heads, at mga kawani ng Kapitolyo.

Naging bahagi ng programa ang pagdaraos ng isang Banal na Misa, pagtataas ng watawat ng Pilipinas, at pagpapalipad ng tatlong puting kalapati, na sumalamin sa paglaya ng Pilipinas mula sa mga dayuhang mananakop, at ilang mga pagtatanghal.

Ilan pa sa mga naging aktibidad sa ginanap na pagtitipon ay ang pamamahagi ng tulong pang-edukasyon sa mga iskolar o mag-aaral na benepisyaryo ng Batangas Province Educational Assistance Program (BPEAP) ng pamahalaang panlalawigan, pagkilala sa ilang mga indibidwal na nagkamit ng karangalan sa larangan ng akademiko at isports, at pagkakaloob ng financial aide to barangays ng Provincial Assistance for Community Development.

Nagbalik-tanaw naman at pinahalagahan ni Governor Mandanas ang naging mahalagang papel ng mga Pilipinong Batangueño na nagpamalas ng kagitingan upang makamit ng bansa ang kalayaan nito. Ipinabatid din niya na sa kasalukuyang panahon, sang-ayon sa isinasaad ng tema ngayong taon, ang pamahalaang panlalawigan ay tunay na nagpapakita ng pagkakaisa sa pamamagitan ng patuloy na pagsusumikap nito para bigyan aniya ng serbisyo o kalayaan ang mga mamamayan, tulad na lamang ng edukasyon at kalusugan.

Kasama ring nakiisa sa selebrasyon ang ilang mga kinatawan mula sa national agencies, lokal na pamahalaan, Philippine National Police – Batangas Province, Philippine Army, at Philippine Coast Guard.

Nakibahagi rin ang pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Batangas Provincial Public Employment Service Office (PESO), na nasa ilalim ng pangangasiwa ng tanggapan ng Provincial Assistance for Community Development (PACD), sa pagdaraos ng job and business fair sa Lyceum of the Philippines University – Batangas.

Ang job fair, na sang-ayon sa mandato ng Department of Labor and Employment at Department of Migrant Workers, ay kinatampukan ng mahigit sa 50 na local at 5 na overseas na mga kumpanya. Nagkaroon din dito ng isang one-stop-shop para sa mga serbisyo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.