January 21, 2020
Malinis na inuming tubig ang hatid ng 41st Standby Reserve Infantry Division ng Philippine Army Reserve Command nang bumisita ang mga ito noong ika-19 ng Enero 2020 sa Provincial Sports Complex, Brgy. Bolbok, Lungsod ng Batangas, na isa sa mga malalaking evacuation centers ng mga Batangueño na kinailangang lumikas sanhi ng pagputok ng Bulkang Taal.
Naglagay ang Army Reserve Command ng 3 units ng drinking fountains at isang potable water refilling station, katuwang ang pribadong kompanyang Solar Ace na nakabase sa Bulacan.
Ayon kay Military Reservist Brigadier General Florante O. Isles, na nanguna sa grupo, kaya ng naturang refilling station na makapag-supply ng 3,000 gallons ng malinis na tubig sa isang araw.
Sa kasalukuyan, ang Provincial Sports Complex ay tinitigilan ng mahigit 2,290 evacuees o 548 na pamilya, na nagmula sa mga Bayan ng Agoncillo, Lemery, San Luis, San Nicolas, Taal at Talisay.
Jhun Magnaye – Batangas Capitol PIO