Kahandaan, mga Isinasagawang Hakbang ng Batangas Province sa Oil Spill, Tinalakay sa Pagpupulong

Bagong Sagisag ng Lalawigan ng Batangas, Aprubado na ng Malacañang, Komisyon Ng Kasaysayan
March 22, 2023
Water Sampling, Monitoring sa Isla Verde, Isinagawa ng PGENRO
March 23, 2023

March 23, 2023

Upang matiyak ang katatayuan at kahandaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa patuloy ng banta ng Mindoro oil spill, muling nagpulong ang mga kinatawan ng mga frontline offices, kasama ang Philippine Coast Guard (PCG) – Batangas, kahapon, ika-22 ng Marso 2023 sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.

Pinangunahan ang pagtitipon nina Provincial Administrator Wilfredo Racelis at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Lito Castro, kasama sina PCG Batangas Commander, Captain Victorino Acosta IV, Provincial Government Environment and Natural Resources Officer (PGENRO) Luis Awitan, Provincial Agriculturist, Dr. Rod Bautista, at Provincial Planning and Development Coordinator, Engr. Evelyn Estigoy.

Tinalakay dito ang mga isinasagawang paghahanda ng mga tanggapan para sa nakaambang sakuna, partikular sa larangan ng turismo, agrikultura, social services at kalusugan, kabilang ang mga direktang maitutulong sa PCG, habang pinag-usapan din ang maaari pang mga ipatupad na hakbang upang maayudahan ang mga coastal local government units na direktang maaapektuhan ng oil spill.

Sa ulat ng PCG, mula sa datos kahapon, ika-22 ng Marso, may mga palatandaan ng oil spill na nakita sa mga barangay ng San Agapito, San Andres, San Antonio at San Agustin Kanluran sa Isla Verde, Lungsod ng Batangas at mga barangay ng San Isidro at Corona, sa island Municipality ng Tingloy.

Bukod dito, wala pang muling naiuulat ang mga aktibo nang mga Incident Management Teams sa iba’t ibang mga coastal local government units ng lalawigan, kabilang ang Lobo, San Juan, Mabini, Bauan, Calatagan, Lemery, Balayan, Nasugbu at Lian. Ayon din sa PCG, “activated and on alert” na ang lahat ng istasyon ng Coast Guard sa lalawigan.

Malaking bagay rin, dagdag ni Acosta, ang isinasagawang puspusang clean-up ng tagas na langis sa bahagi ng karagatan ng Calapan, Oriental Mindoro kung kaya’t halos walang nakakaabot sa Batangas. Nakita rin aniyang epektibo ang mga “improvised” oil spill booms na gawa sa mga katutubong kagamitan tulad ng dayami at bunot ng niyog.

Pinasalamatan naman nina Ginoong Racelis at Castro ang PCG sa binabalikat nilang responsibilidad sa paglaban sa oil spill. Naglaan din ang PDRRMO, ayon kay Ginoong Castro, ng 100 personal protective equipment para magamit ng mga coast guards sa tuloy-tuloy na clean-up operations.

Iniulat ng PGENRO na nagsagawa na sila ng serye ng water quality testing sa mga baybayin ng Batangas. Lalabas ang resulta ng mga ito bukas, ika-24 ng Marso 2023. Nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Agriculture-National Fisheries Research and Development Institute (DA-NFRDI) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para magbigay ng kanilang pagtatasa kung kinakailangan isailalim sa testing mga isdang nahuhuli sa Verde Island Passage.

Ayon naman sa Provincial Health Office, naghahanda ang kanilang tanggapan para sa mga posibleng kailanganing mga gamot at kaugnay na mga pangangailangang medikal. Nakatakda rin silang maglabas ng mga IEC materials mula sa Department of Health patungkol sa mga dapat tandaan at gawin kung sakaling magkaroon na nga ng malawakang oil spill.

May sapat namang stockpile ng pagkain ang PSWDO, at naghahanda na rin ng dagdag pondo kung kakailanganin ang karagdagang supply. Maglalaan din sila ng grocery packs para sa “food for work” assistance, na ibibigay sa mga gumagawa ng “improvised” artificial oil spill booms sa Bayan ng Lobo. Nakipag-ugnayan na rin sila sa DSWD Region IVA para sa “cash for work” sa anim na bayan ng Ikalawang Distrito ng Batangas na gumagawa rin ng mga oil spill barriers para sa kanilang mga coastal barangays.

Nagbigay na rin ng mga rekomendasyon ng Tanggapan ng Provincial Agriculture sa mga maaaring hakbang sa maaaring maging epekto ng tumagas na langis sa mga pananim at lamang dagat sa lalawigan. Makikipag-ugnayan din sila sa mga posibleng mapagkunan ng dayami at bunot, na ginagamit sa mga “improvised” oil spill booms sa mga baybaying barangay.

Patuloy din ang pakikipag-usap ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office sa mga beach resorts at mga establisimyento sa mga coastal LGUs, at wala pa namang nag-uulat ng bakas ng langis sa kani-kanilang mga lugar.

Inilarawan naman ng PPDO ang kahalagahan ng mabilis at maayos na pagkilos upang agarang malinis ang mga tagas na langis upang maiwasan ang malawakang socio-economic disaster sa kabahayan, agrikultura, pangisdaan, turismo at industriya.

Nag-ulat din ng kahandaan sa koordinasyon at tuloy-tuloy na pagtulong ang Department of the Interior and Local Government at Philippine Red Cross Batangas.

Vince Altar – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.