Information Officers ng Batangas Province nagtipon, naghalal ng mga opisyal ng samahan

NGCP, Batangas LGUs nagpulong tungkol sa Batangas-Mindoro 230 kV Interconnection Project
March 23, 2024
Notice of Vacant Positions
March 25, 2024

March 23, 2024

Nagkasama-sama sa unang pagkakataon ang mga Information Officer ng mga bayan at lungsod ng Lalawigan ng Batangas sa isang Meet and Greet gathering noong ika-18 ng Marso 2024 sa Kapitolyo sa Lungsod ng Batangas.

Sa inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Information Office (PIO), inanyayahan ang mga City and Municipal Information Officers ng PIO para pormal na magkaharap-harap, magkakila-kilala, at magkapulong-pulong para magkapalitan ng mga kuro-kuro at kaalaman sa pagpapalakas at pagpapabuti ng pagpapakalat ng impormasyon sa mga kababayan.
22 na mga bayan at lungsod ang nakapagpadala ng kinatawan sa pagtitipon, kasama ang provincial manager ng Philippine Information Agency (PIA) sa Batangas Province.

Naging highlight ng meet and greet ang napagkasunduang isagawang paghalal ng mga interim officers para sa samahan ng mga information officers ng lalawigan, na sang-ayon sa napagtibay sa pagpupulong, ay tatawaging Batangas Association of Government Information Officers o BAGIO.

Itinalagang kauna-unahang pangulo ng BAGIO si Ms. Marie Lualhati, ang City Information Officer ng Pamahalaang Lungsod ng Batangas, samantalang nahalal na pangalawang pangulo si Ginoong Deyn Dela Piedra, ang City Information Officer ng Pamahalaang Lungsod ng Tanauan. Naging kalihim ng samahan si Ms. Jane Pastorall, ang designated IO ng Pamahalaang Bayan ng San Jose, habang ingat-yaman si Ginoong Kelvin Gimeno, ang designated IO ng Pamahalaang Bayan ng Bauan.

Mga public relations officer o PRO naman sina Ms. Jenny Salazar, ang designated IO ng Pamahalaang Panlungsod ng Calaca para sa 1st District; Ms. Gelic Romero, ang PIO ng Pamahalaang Bayan ng Lobo para sa 2nd District; Ms. Olyn Francisco, ang designated IO ng Pamahalaang Panlungsod ng Santo Tomas para sa 3rd District; Mr. Joseph Alipio, ang designated IO ng Pamahalaang Bayan ng Ibaan para sa 4th District; at Ms. Melany Aguila, ang PIO ng Pamahalaang Panlungsod ng Lipa para sa 6th District.

Tumatayong mga advisers at mentors naman ang mga matatagal nang serbisyo publiko at mahaba na ang karanasan at kaalaman sa larangan ng information dissemination, at social, cultural at civic programs ng pamahalaang lokal sa kani-kanilang mga bayan at buong lalawigan sina Ginoong Dante De Leon ng Pamahalaang Bayan ng Mataas na Kahoy, Ginoong Mike Mia II ng Pamahalaang Bayan ng San Luis, Ms. Rowena Cantos ng Pamahalaang Bayan ng San Pascual at Ms. Len Barba ng Pamahalaang Bayan ng Talisay.

Aktibo ring nakiisa si Ms. Bhaby De Castro, PIA Batangas Province Manager, sa pagpupulong na ibinahagi ang nauna nang binuong samahan ng mga information officers ng mga pamahalaang lokal at national agencies sa lalawigan, at kahalagahan nito sa mas mabilis na pagpapadaloy ng impormasyon. Idinagdag din niyang nakahanda siyang maging consultant at kabalikat ng grupo para sa mga training activities at iba pang adhikain.

Sa kasalukuyan, hindi lahat ng mga pamahalaang lokal ay may nakaupong information officer. Karamihan ay mga itinalaga lamang ng kanilang mga punong bayan, at gumaganap din sa iba pang mga tungkulin.

Nakarating at nakiisa rin sa Meet and Greet sina Irish Joy Inciong ng Balayan, Dan Paul Badong ng Calatagan, Kelvin Bryle Meneses ng Nasugbu, Christian Dave Luya ng Agoncillo, Maryann Lantin ng Balete, Kim John Lunar La Rosa ng Cuenca, at Mara Triviño ng San Juan.

Bago ang pagpupulong, nagkaroon ang mga IO ng pagkakataong makasama sa pagpapalarawan sina Gov. Hermilando Mandanas, Vice Gov. Mark Leviste, mga Sangguniang Panlalawigan Board Members, BPIO department head Maria Isabel Bejasa at assistant department head Jenelyn Aguilera, pagkatapos ng isinagawang pagpupugay sa bandila ng Pilipinas noong umagang iyon.

V. Altar – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.