Gov. DoDo, Nagbigay-ulat sa Taal Volcano, Turismo sa Batangas, at Implementasyon ng Mandanas-Garcia Ruling

Agency Procurement Compliance and Performance Indicator (APCPI) Self-Assessment Form 2022
June 22, 2023
Community Food Market sa Kapitolyo: Matagumpay, Ipagpapatuloy
June 23, 2023

June 23, 2023

Sa isang makabuluhang panayam kahapon, ika-21 ng Hunyo 2023, sa programang DILG SA DZRH BREAKTIME, personal na nagbigay-ulat si Batangas Governor DoDo Mandanas sa ilang mahahalagang paksa, kabilang ang kasalukuyang estado ng Bulkang Taal, turismo sa Lalawigan ng Batangas, at ang patuloy na pagtutok sa implementasyon ng Mandanas-Garcia Ruling.

Handa ang Lalawigan sa Anumang Sakuna o Disaster

Ayon sa gobernador nananatiling nasa Alert Level 1 ang Taal Volcano at hindi rin aniya nahihinto ang pagbabantay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa kalagayan ng bulkan, lalo’t higit na mas pinaigting pa ang ginagawang monitoring dito buhat ng ito ay nagkaroon ng pagsigabo ng pagbuga ng gas at nagtala ng mataas na bilang o tonelada ng Volcanic Sulfur Dioxide o SO2 gas noong unang linggo ng buwan ng Hunyo.

“’Yung mga tremors, ganun pa rin wala namang pagbabago, ito lamang naman ang nangyari [pagbuga ng usok], pero ngayon humuhupa na…nananatili kaming Level 1, ang ibig sabihin ay manatili na vigilant, always observe, and still, bawal pa rin ang pumasok sa Permanent Danger Zone (PDZ),” pagbibigay-paalala ng punong-lalawigan.

Sa naging tanong naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Margarita Gutierrez, isa sa mga hosts ng programa, kung gaano kahanda ang lalawigan sa pagtama ng mga sakuna, kagaya ng pagputok ng bulkan, ipinahayag ng gobernador na, “Hindi lamang pagputok ng bulkan, alam naman natin ang mga sakuna, tayo ay dinadaanan [din] ng lindol…sa paghahanda…ang Lalawigan ng Batangas ay isa sa mga unang nagtatag ng departamento [sa disaster management], na may budget.”

Sa pagpapabatid ng gobernador sa kahandaan ng probinsya, hindi niya isinasantabi at laging kinikilala at taos-pusong pinasasalamatan ang sambayanang Filipino para sa ipinakitang pagtulong at kabayanihan nang pumutok ang Bulkang Taal noong January 12, 2020.

Religious Tourism, Verde Island Passage, Itinatampok ng Kapitolyo

Sa usapin naman sa turismo, bilang tumatayong Department Head ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, masayang iniulat ni Governor Mandanas na unti-unti nang nakakabawi ang lalawigan sa dalang epekto ng pandemya dulot ng COVID-19 sa sektor ng turismo.

Bukod sa mga kilalang tourist destinations sa probinsya, itinatanghal ngayon ng pamahalaang panlalawigan ang taglay na ganda at yaman ng Verde Island Passage (VIP). “Tayo lamang sa buong mundo, ang mayroong biggest concentration of marine lives in one area, at ito rin ang center ng kung tawagin ay Coral Triangle…source ito ng 30% ng ating food supply,” pagmamalaking ibinahagi ng Ama ng Lalawigan ng Batangas.

Sa katunayan, nagkaroon na ng ilang mga hakbang ang mga tanggapan ng Kapitolyo para patuloy na maitanyag ito, hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi sa buong mundo. Kasabay rin dito ang pagpapataas ng kamalayan sa publiko para sa patuloy na pangangalaga at konserbasyon sa VIP.

Dagdag pa ng gobernador na malaki rin ang ginagampanan ng religious tourism para sa kabuuang sektor ng turismo sa lalawigan, kung saan kabilang dito ang The Parish and National Shrine of Saint Padre Pio sa Lungsod ng Sto. Tomas at Mother of All Asia – Tower of Peace sa Montemaria International Pilgrimage and Conference Center sa Lungsod ng Batangas, na tunay na dinarayo, partikular noong nakaraang obserbasyon ng Semana Santa o Holy Week.

Gov. DoDo: Sundin ang Batas para Magkaroon ng Good Governance

Samantala, huling tinalakay naman ni Governor DoDo Mandanas ang patungkol sa Mandanas-Garcia Ruling. Dito ay muling binalikan niya ang pinagsimulan o rason kung bakit niya isinulong at ipinaglaban ang ngayon ay kinikilalang makasaysayang Supreme Court Ruling.

“Nagsimula ito noong ako ay [unang] maging Governor, tungkulin ng sino mang manungkulan na talagang masusing pag-aralan ang batas, tayo ay bansa na ang batas ay ating kinikilala…at doon napakaliwanag, na may mga gawain na pangtulong sa tao na ang makakagawa ng mas magaling ay ang national governement, mayroon din namang local government,” paliwanag ng gobernador.

Ipinaalam pa niya na, sang-ayon sa batas, na dapat mabigyan ng makatarungang kabahagi ang mga lokal na pamahalaan para maayos na maipaganap ang mga basic services sa iba’t ibang sektor, kabilang ang social welfare, education, health, agrikultura, at maging turismo.

Ipinaabot ni Gov. Mandanas na mas maayos at mabilis na maipapaganap ang mga serbisyo para sa kapakinabangan ng mga mamamayan kung mabibigyan ng sapat at tamang kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan.

Binalikan din ng local chief executive ng Batangas ang kaniyang pinagdaanan para maipaglaban ang “just share,” kung saan, ayon sa kaniya, ay ipinaglaban niya ang tama kahit walang kasama o naniwala sa kaniya noon.

“Hindi ibinibigay ‘yung tamang share, simple lamang naman, sundin ang batas nang magkaroon tayo ng good governance, pera ito ng mga [lokal na pamahalaan] na kailangang maibigay sa mga tao,” pagpupunto ni Gov. Mandanas.

Bago naman matapos ang programa, binigyan din ng pagkakataon ng gobernador na kilalanin ang naging mahalagang papel ni dating Bataan Governor Enrique Garcia Jr. para sa katuparan ng Mandanas-Garcia Ruling.

Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Governor Mandanas sa pamahalaang nasyunal para matutukan ang full implementation ng nasabing Supreme Court Ruling.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO/ Screenshot Photos: DZRH Facebook Page

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.