June 23, 2023
Pinangunahan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ang 2nd Quarterly Meeting ng Community Food Market sa PAFES Center, OPAg Demo Farm Area, Bolbok, Batangas City noong June 23, 2023.
Ang proyektong ito ay naaayon sa hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ni Governor DoDo Mandanas, na patuloy pang palaguin ang paggabay at pagtulong sa samahan ng mga magsasaka at mangingisda.
Tampok sa community food market ang iba’t-ibang mga produkto mula sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) at mga samahang pangkabuhayan sa lalawigan, na matagumpay na unang idinaos noong 2022 at nakapagtala ng ₱1.8 Milyon gross sales.
Sa datos ng nasabing agri activity, simula nang ilunsad ang barakahan noong ika-5 ng Mayo 2022, lalo pang dumami ang mga asosasyon ng mga magsasaka at mangingisda, kooperatiba at MSMEs na nakikilahok dito.
Mula Pebrero hanggang sa kasalukuyang buwan ng Hunyo 2023, anim na beses nang nakapag-organisa ang OPAg ng community food market na mainit namang tinangkilik ng mga taga-Kapitolyo at mga nakatira sa paligid-libot nito, at nagkaroon ng mahigit ₱712 Thousand gross sales.
Ilan sa mga nabigyang-diin sa pagpupulong ang Good Agricultural Practice o GAP na siyang ginagamit na patakaran ng OPAg at mga stakeholders upang matiyak na dekalidad, malinis at ligtas ang mga produktong itinitinda dito.
Ibinahagi rin ng Department of Trade and Industry (DTI)-Batangas, na kinatawan ni Senior Trade and Industry Development Specialist Ian Recio, ang kahandaan ng kanilang ahensya na mas mapaunlad pa ang layunin ng Community Food Market partikular sa pamamagitan ng kanilang programang One Town One Product (OTOP) Ph Hub.
Ayon kay Provincial Agriculturist, Dr. Rodrigo Bautista, magpapatuloy ang layunin ng paglulunsad ng food market na mailapit ang palengke sa mga kababayan, gayundin, ang pagtataguyod ng mga produktong Batangueño upang mas makilala pa ito hindi lang sa lalawigan, kung hindi maging sa ibang parte ng mundo.
Muli din niyang pinaabot ang pagbati at pasasalamat ni Governor DoDo Mandanas sa lahat ng mga naging bahagi ng programang ito ng Kapitolyo.
Ayon kay Ginoong John Mark Pangilinan, OPAg senior aquaculturist at representative at coordinator ng proyektong ito, nakatakdang magkaroon muli ng Community Food Market sa Kapitolyo sa July 14 at 28, 2023.
Jun Magnaye / Photos – Macven Ocampo – Batangas Capitol PIO