Development and Physical Framework Plan ng Batangas, aprubado na ng DHSUD

Local Government Support Fund – Financial Assistance (FA) to Local Government Units (LGUs) – Report on Fund Utilization and Status of Program/Project Implementation as of December 31, 2023
January 17, 2024
Hazard at Risk Assessment ng mga Opisina ng Batangas Provincial Government Sinimulan Na
January 18, 2024

January 18, 2024

Pormal nang ipinagkaloob ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang Certificate of Approval nito para sa Provincial Development and Physical Framework Plan (PDPFP) ng Lalawigan ng Batangas noong ika-15 ng Enero 2024 sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.

Ang naturang seremonya ay ginanap kasabay ng isinagawang Lingguhang Pagpupugay sa Bandila ng Pilipinas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kung saan personal na iniabot ni DHSUD Undersecretary Henry Yap, bilang kinatawan ni Secretary Jose Rizalino Acuzar, ang naturang sertipiko kay Governor Hermilando Mandanas.

Ang PDPFP ng lalawigan ay sumasaklaw sa Planning Period 2022-2030, na naglalaman ng long-term vision o pangmatagalang plano ng probinsya, kabilang ang mga development goals, strategies, targets, at mga kinakailangang programa, proyekto, at aktibidad na magsisilbing pangunahing inputs sa provincial investment programming, subsequent budgeting, at plan implementation.

Bukod dito, ang PDPFP ng Batangas para sa taong 2022-2030 ay mas pinagtibay rin sa pamamagitan ng paglalapat ng mga planong tumutugon sa Disaster Risk Reduction at Climate Change Adaptation.

Ipinahayag naman ni Usec. Yap sa kaniyang naging mensahe ang paghanga at pagkilala niya sa ipinamalas na dedikasyon ng buong provincial planning team para sa pagbuo ng nasabing plano at sa paglalapat ng mga naging komento at rekomendasyon noong dumaan ito sa pagsusuri.

Hiningi rin ni Usec. Yap ang suporta ng pamahalaang panlalawigan kaugnay sa updating ng Comprehensive Land Use Plans ng mga nasasakupang lungsod at munisipalidad ng Batangas, at ang pagtiyak na nakapaloob ito sa PDPFP.

Malaki naman ang naging pasasalamat ni Governor Mandanas sa kagawaran at makakaasa aniya na patuloy na makikipagtulungan ang Lalawigan ng Batangas para sa implementasyon ng mga programa at proyekto na tutugon sa pagbuo ng isang inklusibo, may tuloy-tuloy na pag-unlad, at matatag na mga komunidad.

Samantala, nakiisa rin sa ginanap na pagkakaloob ng Certificate of Approval sina DHSUD Director Mylene Rivera at Anakalusugan Congressman Rey Florence Reyes, kasama ang ilang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO/
with reports from DHSUD

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.