Dental Health Services sa mga Batangueño, tuloy-tuloy

CALABARZON Peace and Development Summit, Joint Regional Development Council at Regional Peace and Order Council Meetings, idinaos
February 27, 2019
Pre-Marriage Counselling ng samahan ng Local Social Welfare and Development Officers, isinagawa
February 27, 2019

“Ngipin na malusog PHO at ProtektaDOH Masaya at Maningning na Ngiti ang Hatid sa Mundo”

February 27, 2019

“Ngipin na malusog PHO at ProtektaDOH Masaya at Maningning na Ngiti ang Hatid sa Mundo”

Sa ika- 15 taon ng pagdiriwang ng National Dental Health Month, patuloy na naglulunsad ng mas pinalawig na mga serbisyong nauukol sa kalusugan ng ngipin ng mga Batangueño ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO), katuwang ang Department of Health.

Sa naging panayam ng programang B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na radio program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas kay Dr. Dionisio Burog Jr., Provincial Oral Health Coordinator at PHO Dental Supervisor, inilahad nito ang mga kasalukuyang programa sa wastong pangangalaga sa ngipin.

Ilan sa mga aktibidad ay ang tuloy-tuloy na pagbisita ng Tanggapan ng Panlalawigang Pangkalusugan sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong probinsya. Dito ay nagsasagawa sila, katuwang ang mga dentista ng iba’t-ibang bayan at lungsod, ng Oral Prophylaxis at Fluoride Application.

Noong ika-22 ng Pebrero 2019, matagumpay na naidaos sa Rosario West Central School sa Barangay Namunga, Rosario, Batangas ang isang selebrasyon para sa Oral Health Month. Nagkaroon ang PHO, sa pakikipagtulungan ng nasabing munisipalidad ng poster at slogan contest at pamamahagi ng mga Dental Oral Hygiene Kit para sa mga estudyante.

Bukod sa mga mag-aaral, kabilang din sa nabibigyan ng nasabing serbisyo ang mga matatanda at buntis, kung saan mahigit kumulang sa 2,000 na ang sumailalim sa dental health program ng PHO.

Ayon pa kay Dr. Burog, hindi nagtatapos sa pagdiriwang ng National Dental Health Month ang kanilang mga programa. Katunayan dito, maaaring magpaabot ng kahilingan sa kanilang tanggapan ang ibang paaralan na nagnanais mabigyan ng naturang mga serbisyong pangkalusugan sa ngipin.

Dagdag pa ng Provincial Oral Health Coordinator na ang mga walang pambayad ay hinihikayat na magtungo sa kani-kanilang Rural Health Units para sa libreng konsultasyon.

Nagpaalala rin siya ng tamang pangagalaga ng ngipin, kabilang ang palagiang pagsisipilyo, pag-iwas sa pagkain ng matatamis, paggamit ng dental floss at pagkonsulta sa dentista kada anim na buwan.

✎ Mark Jonathan M. Macaraig/JunJun De Chavez – Batangas Capitol PIO
Photo: Dr. Dionisio Burog Jr. – Batangas PHO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.