July 4, 2023
Napuno ng galak at saya ang Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas, matapos maglaan ng isang araw na programa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas bilang pagbibigay-pugay sa mga Child Development Workers (CDW) ng lalawigan noong ika-30 ng Hunyo 2023.
Pinangunahan ni Governor DoDo Mandanas ang pagkilala sa apatnapu’t tatlong CDWs na mahigit dalawampu’t limang taon nagbigay serbisyo para sa kapakanan ng mga kabataan ng lalawigan.
Isa sa nabigyan ng pagkilala si Ginang Gloria Umali-Pagkaliwagan, mula sa Bayan ng Mabini, na ginawaran ng “Loyalty Service Award” para sa kaniyang apatnapu’t isang taon ng paglilingkod bilang CDW.
Binigyang-daan din sa naturang pagdiriwang ang pagsasagawa ng Recognition Rites para sa mga batang sina Czoinice Azairah Avenido, Aizen Luis Basilan, Leonelle Celis, Briella Shandrea Delica, Hugh Alessandro Parto at Jeoff Matthieu Villena na pawang mga mag-aaral na nagsipagtapos sa Pagsasarili Child Development Center (CDC) ng pamahalaang panlalawigan.
Naging parte ng pagdiriwang ang talakayan at bahagihan ng kaalaman patungkol sa akreditasyon ng Private Learning Centers for Zero-to-Four year-old children, na pinangunahan ni Program Development Officer III Remylen Malaquita ng Early Childhood Care and Development Council.
Masayang nakibahagi sa naturang pagdiriwang sina 1st District Board Member (BM) Carlo Roman Rosales, Jr., BM Armie Marie Bausas, BM at PCL Batangas President Melvin Vidal, at Acting Vice Governor at 5th District Senior Board Member Maria Claudette Ambida.
Sa huling bahagi ng programa, ipinamahagi ang honorarium para sa 1,021 na magigiting na Child Development Workers ng lalawigan, na umabot sa humigit kumulang ₱2 Milyon na kabuuang halaga.
Ornald Tabares, Jr/Photos: Armando De Chavez, Jr., Batangas Capitol PIO