October 17, 2023
Sa layuning makatulong sa produksyon ng asin sa bansa, pormal nang inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor, ang Batangas Sea Salt Production Project noong ika-16 ng Oktubre 2023 sa PAFE Center, OPAg Demo Farm, Bolbok, Batangas City.
Ang nasabing proyekto ay maisasakatuparan katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Office IV-A at Pamahalaang Bayan ng San Juan.
Batay sa datos na ibinahagi ni Ginang Hermie Ramirez, Regional Focal Person ng Development of Salt Industry Project (DSIP), pumalo lamang sa 7% ang lokal na produksyon ng asin, noong taong 2021, at ang natitirang 93% ay pawang inangkat. Ang matinding pagbagsak ng bahagdan ang nagtulak upang ilunsad ang DSIP sa iba’t ibang rehiyon sa bansa noong 2022.
Sa taong ito, kabilang ang rehiyon ng CALABARZON sa mga magsasagawa ng technology demonstration ng solar sea salt production gamit ang “high density polyethylene (HDPE) platform,” kung saan makakapaggawa ng asin sa loob lamang ng tatlo hanggang apat na araw.
Napiling benepisyaryo ng proyekto sa Lalawigan ng Batangas ang Barangay Imelda, San Juan, kung saan may lupain na pagmamay-ari ang pamahalaang panlalawigan at akma na gamitin ang “sun-drying method” na paggagawa ng asin.
Nagpaabot ng pasasalamat si Ginoong Danilo Babaira, Vice Chairperson ng Barangay Fisheries and Aquatic Resources Management Council (BFARMC) – Brgy. Imelda, San Juan, sa pagbubukas ng proyektong ito na inaasahang magkakaloob ng ikabubuhay sa mga naninirahan ng nasabing lugar, partikular ang mga mangingisda na patuloy na humihina ang kinikita.
Gayundin, nagpahayag ng isandaang porsiyentong pagsuporta si San Juan Municipal Agriculturist Felix Leopango, na lubos na nagagalak sa naging inisyatibo ng lalawigan na gawin ang proyekto sa kanilang bayan.
Ayon kay Provincial Agriculturist, Dr. Rodrigo M. Bautista Jr., ito ay patunay nang patuloy at mas marami pang proyekto na nakatuon sa agrikultura. Ibinahagi niya ang pagnanais ni Governor Hermilando Mandanas na higit na matulungan ang mga nakatira sa dalampasigan dahil ang malaking parte ng lalawigan ay napalilibutan ng mga karagatan.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang konstruksyon ng mga HDPE platform at nakapamahagi na rin ang BFAR IV-A ng packaging at processing inputs.
Ang paglulunsad ay bahagi ng limang araw na serye ng mga aktibidad bilang paggunita sa Farmers’ and Fisherfolks’ Week, na nagsimula noong Oktubre 16, 2023 at magtatapos sa Oktubre 20, 2023. Ito ay dinaluhan rin ni Provincial Planning and Development Office Assistant Department Head Medel Salazar, bilang kinatawan ni Provincial Administrator Wilfredo Racelis, na siya ring tumatayong pinuno ng nasabing tanggapan.
Gian Marco Escamillas, Batangas Capitol PIO / Photos by Francis Milla / OPAg