Batangas Province, Nakiisa sa Pagdiriwang ng National Lung Month

Little Youth Officials 2023 ng Batangas Capitol, Ipinakilala sa Sangguniang Panlalawigan
August 16, 2023
Notice of Vacant Positions
August 17, 2023

August 16, 2023

Sa bisa ng Proclamation No. 1761 s. 1978, na nagdedeklara sa buwan ng Agosto bilang National Lung Month, isang programa ang idinaos bilang pakikiisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO) at sa pakikipagtulungan ng Provincial Multi-Sectoral Alliance (PMSA), noong ika-11 ng Agosto 2023, sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Ang nasabing pagtitipon, na ginabayan ng temang, “Hingang ginhawa kapag Healthy Lungs ang buong pamilya!” kung saan binibigyang-pagpapahalaga ang pagpapanatiling malusog ng bawat miyembro ng pamilya sapagkat ang pagkakasakit sa baga ay hindi lamang suliranin ng indibiduwal, ngunit maging ng pamayanan.

Sa kanyang mensahe, nagbahagi si Governor DoDo Mandanas ng kanyang personal na karanasan sa kung paano nakakaapekto ang pagkakaroon ng sakit sa isang pamilya. Bagama’t may bahagdan sa ating kalusugan ang namamana mula sa mga kamag-anak, mahalaga na magkaroon din ng interbensyon ang pamahalaan kung paano mapoprotektahan ang kanilang mga nasasakupan. Tinalakay niya ang mga hakbang na isinasagawa ng pamahalaan upang mapangalagaan ang kapiligiran na may malaking bahagi sa pagtataguyod ng kalusugan.

Ayon kay Dr. Marianne Calnan, mula sa University Research Co. (URC)-TB Platforms, ang pagdiriwang ay hindi lamang para sa mga naging biktima ng sakit na tuberculosis ngunit maging sa mga health workers na patuloy na nakikipaglaban upang masugpo ito.

Ibinahagi naman ni Syrus Silvestre, kinatawan ng Philippine Business for Social Progress para sa kanilang proyektong ACCESS TB, ang kanilang mga programa at mga bagong kagamitan na pakikinabangan ng kanilang mga katuwang, pangunahin na ang Lalawigan ng Batangas.

Kasabay nito, ipinagkaloob ng Tanggapan ng Panlalawigang Pangkalusugan ang gawad sa mga development partners at stakeholders, maging sa top performing City and Municipal Health Offices at Rural Health Units (RHUs) na naging katuwang sa pagpapatupad ng tuberculosis elimination programs sa mga kategorya ng screening, testing and diagnosis, treatment at prevention.

Nagkaroon din ng mga special awards, gaya ng Most Promising Public-Private Partnership for TB Implementation, na ipinagkaloob sa Calaca RHU at Most Innovative LGU in TB Control Program Implementation para sa Taysan RHU.

Tinanghal naman bilang Best Nurse in TB Care si Maripaz Tenorio mula sa Bayan ng Balayan at Best Municipal Health Officer in TB Care si Dr. Liza Castillo mula sa Bayan ng Alitagtag. Samantala, hinirang bilang Primary Care Provider Network for UHC ang Mabini RHU.

Dumalo sa nasabing selebrasyon ang mga kinatawan mula sa USAID, Department of Health – Center for Health Development (CHD) IV CALABARZON, Culion Foundation, Inc., TB Innovation at Philippine Coalition Against Tuberculosis (PhilCAT).

Gian Marco Escamillas, Batangas Capitol PIO / Photos by Macc Venn Ocampo

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.