September 9, 2023
Nasa Alert Level 1 ang kasalukuyang estado ng Bulkang Taal, kung kaya patuloy itong nagpapakita ng bahagyang aktibidad o low-level of volcanic unrest, kabilang ang pagbubuga ng volcanic smog o vog.
Kaugnay nito, batay sa inilabas na huling Situational Report ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (BPDRRMC) kahapon, ika-8 ng Setyembre 2023, naitala ang may kabuuang 36 na mga mag-aaral mula sa Bayorbor, Mataas na Kahoy na nakaranas ng pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga, na iniugnay sa pagkahilo.
Ayon sa nakalap na report ng konseho mula sa Municipal DRRM Office ng Mataas na Kahoy, dinala ang mga estudyante sa magkakahiwalay na ospital. 11 sa mga ito ang dinala sa Community Hospital ng nasabing bayan at 25 ang nasa Rural Health Unit (RHU). Mula sa 25 na mga mag-aaral, inilipat ang 6 sa San Jose District Hospital, 1 sa Metro San Jose Hospital, at 1 sa Batangas Medical Center, habang ang natitirang 17 ay pinayagan nang makauwi sa kani-kanilang tirahan.
Dahil sa presensya ng vog mula sa Taal Volcano, may ilang mga bayan na ang nagsuspinde ng klase at nagpatupad ng Modular Distance Learning.
Bilang tumatayong chairperson ng BPDRRMC, agarang tiniyak ni Governor DoDo Mandanas ang 24/7 monitoring at activation ng Operations Center ng BPDRRM Office, na pinamumunuan ni Dr. Amor Banuelos-Calayan.
Ayon kay Dr. Calayan, hindi humihinto ang kanilang tanggapan sa pakikipag-ugnayan sa mga munisipalidad na malapit o nakapalibot sa bulkan.
Bukod dito, namahagi na rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ng N95 face masks sa mga estudyante at residente ng mga lugar na apektado ng volcanic smog.
Katuwang din ng BPDRRMO ang Provincial Health Office para sa koordinasyon at monitoring sa RHU.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang volcanic smog o vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng mga bulkan. Binubuo ito ng mga pinong patak na naglalaman ng volcanic gas, tulad ng Sulfur Dioxide (SO2).
Ilan sa maaaring maging epekto nito ay ang iritasyon sa mata at lalamunan. Posible rin itong magdulot ng respiratory tract infection, na puwedeng maging malubha depende sa tagal ng pagkakalanghap o pagkakalantad dito.
Pinapaalalahanan naman ng BPDRRMO na protektahan ang sarili laban sa vog sa pamamagitan ng pag-iwas o pag-limita sa pagkakalantad o exposure dito, paggamit ng N95 masks o gas mask, pananatili sa loob ng bahay kung walang mahalagang gagawin sa labas, at pag-inom ng maraming tubig upang maibsan ang iritasyon at paninikip ng daluyan ng paghinga.
Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO