Bagong Pisang mga Hawksbill Marine Turtles, Pinakawalan sa Dalampasigan ng San Juan, Batangas

World Seagrass Day, Ipinagdiriwang Tuwing Marso 1
March 9, 2023
Notice of Vacant Positions
March 10, 2023

March 10, 2023

Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, Nakiisa sa World Wildlife Day

Naging kabahagi ang Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PGENRO) ng isinigawang pagpapakawala ng mga bagong pisa na pawikan sa baybaying dagat ng Bayan ng San Juan, na sakop ng Barangay Imelda, noong ika-2 ng Marso 2023.

Ayon sa PGENRO, kabilang ang naging gawain sa pakikiisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pagdiriwang ng “World Wildlife Day,” na isinasagawa tuwing ika-3 ng Marso bawat taon at may temang “Partnerships for Wildlife Conservation” ngayong taon.

Layon ng nasabing okasyon na mapataas ang pandaigdigang kamalayan ng mga mamamayan na kilalanin ang kahalagahan ng wildlife sa pagpapanatili ng balanseng ekolohiya at paglago ng ekonomiya. Kinikilala din ng temang ito ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa pagitan ng pamahalaan, mga organisasyon ng lipunang sibil, at mga lokal na komunidad para sa konserbasyon at pagpoprotekta sa wildlife, ang napapanatiling paggamit ng wildlife at sa paglaban sa iligal na kalakalan at pagkaubos ng wildlife.

Ang pagpapakawala ng mga napisang pawikan sa Brgy. Imelda noong ika 2 ng Marso ay naganap ng alas-4 ng hapon, kasama sina G. Noel Pasco, Municipal Environment and Natural Resources Officer ng San Juan at kanyang mga kasama; Kapitan San Juan Bico, Punong Barangay ng Brgy. Imelda; G. Ron Crawford at Gng. Antonette Neyra, mag-asawang may-ari ng resort kung saan nakalagak ang nesting site; at ilang mga residente ng nasabing komunidad.

Pito ang naunang napisang pawikan mula sa 80 na itlog na nakita ni G. Pedro Sulit sa baybayin noong buwan ng Disyembre 2022 at kaagad na inilipat sa isang ligtas at maayos na nesting site.

Lubos ang kagalakan ng mga taga San Juan sapagkat natukoy na Hawksbill Marine Turtle ang mga ito, na unang pagkakataon na natagpuan sa babaybayin ng San Juan, Batangas, na bahagi ng Verde Island Passage. Karaniwang mga Olive Ridley ang nakikitang mga itlog at napipisa noong mga nagdaang panahon.

Pinaniniwalaang makalipas ang maraming taon, ang mga pawikang napisa ay muling babalik sa lugar na iyon upang doon din mangitlog. Nakakatulong ang mga Hawksbill at iba pang pawikan na mapanatili ang kalusugan ng mga coral reefs o bahura. Habang inaalis nila ang prey tulad ng mga espongha mula sa ibabaw ng bahura, nagbibigay sila ng mas maayos na daanan para sa mga reef fish upang makakain.

Sa larangan naman ng turismo, ang mga pawikan ay kasama sa dinarayo ng mga divers at bisita na nagsasagawa ng diving at snorkelling sa ilalim ng dagat.

Tulad ng iba pang mga pawikan, ang Hawksbill ay nanganganib sa pagkawala ng mga tirahan at pagkain, labis na pagkolekta ng itlog, pagkamatay na nauugnay sa pangisdaan kagaya ng pagsabit sa lambat, polusyon na dulot ng pagkain ng mga plastic na inaakalang jellyfish, development sa baybayin na sanhi sa pagkawala ng mga lugar na pangitlugan, at higit sa lahat ay ang banta ng wildlife trade.

Samantala, napag-alaman din mayroong 9 na iba pang pawikan nesting sites na inilaan at pinangangalagaan ang bayan ng San Juan sa mga barangay ng Laiya Ibabao, Calubcub 1st, Calubcub 2nd, Abung, Ticalan, Putingbuhangin at Pinagbayanan.

Mula Setyembre hanggang Disyembre, karaniwang dumadating ang mga pawikan sa baybayin upang mangitlog, na maingat namang inililipat sa nakalaang nesting sites at babantayan sa loob ng 45 hanggang sa higit sa 60 na araw hanggang mapisa ang mga ito. Kinakailangang may direktang sunlight ang site at hindi magagambala ng alon o ng mga tao. Kapag napisa ang mga pawikan, kailangang mapakawalan ang mga ito sa dagat sa loob ng 24 na oras.

Ayon sa tala ng MENRO, may kabuuang 4,000 na pawikan ang napakawalan na sa karagatan mula Setyembre 2022 hanggang sa kasalukuyan. Isa itong indikasyon na malinis ang karatagan ng San Juan kung kaya’t ito ay pinipili at binabalik-balikan ng mga pawikan upang paglagakan ng kanilang mga itlog at magparami.

Patuloy din ang ginagawang pagpapahalaga at pangangalaga sa iba pang mga species tulad ng dolphin, butanding o whale shark at iba pang mga pinaka-kritikal na endangered species sa mga baybayin ng Batangas City, Balayan, Bauan, Calatagan, Lemery, Lian, Lobo, Mabini, Nasugbu, San Juan, San Luis, Taal at Tingloy.

Ang mga ganitong gawain ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan, mga baybaying pamahalaang lokal, academe, non-government organizations, pribadong samahan at komunidad sa pagpapatupad ng iba’t-ibang programa at gawain upang mas maisulong ang pagpapanatili ng isang malusog, maayos at malinis na kapaligiran at masaganang karagatan sa buong lalawigan ng Batangas, sang-ayon sa mga tagubilin ni Gov. DoDo Mandanas.

Ang pangangailangan na magtulungan ay apurahan dahil maraming mga species ang mapanganib ng nanganganib na mawala. PGENRO – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.