World Seagrass Day, Ipinagdiriwang Tuwing Marso 1

1st Quarter Joint Meetings ng ilang mga Provincial Councils ng Batangas, Idinaos sa Kapitolyo
March 8, 2023
Bagong Pisang mga Hawksbill Marine Turtles, Pinakawalan sa Dalampasigan ng San Juan, Batangas
March 10, 2023

March 9, 2023

Nakikiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa “World Seagrass Day” na ipinagdiriwang taun-taon tuwing unang araw ng Marso, upang maitaas ang kamalayan ng mga mamamayan sa pangangalaga at pag-iingat ng seagrass sa buong mundo para sa isang malusog at maunlad na ecosystem at proteksyon dulot ng climate change.

Sang-ayon ito sa deklarasyon ng United Nations General Assembly noong Mayo 22, 2022.

Kaugnay nito, sa patuloy na direktiba ni Governor DoDo Mandanas, at sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), tuloy-tuloy ang mga programa at gawain na ipinapatupad sa pamamagitan ng pagtatatag at pamamahala ng mga marine protected areas, kasama ang seagrass beds.

Upang mas maisulong ang pagpapanatili ng malusog, maayos at malinis na kapaligiran at mayamang karagatan sa buong lalawigan, regular din ang mga isinasagawang monitoring at assessment ng kalidad ng tubig mula sa mga dagat, ilog at lawa; pamamahagi at pagtatanim ng mga forest and fruit bearing tree seedlings at mangroves; paglilinis ng mga baybaying dagat at tabing kalsada; pagtuturo ng tamang pagtatapon ng basura at iba pa pang mga aktibidad, katuwang ang mga baybaying pamahalaang lokal , national government agencies, academe, non-government organizations, pribadong samahan at mga komunidad.

Ang seagrass ay mga namumulaklak na halamang nabubuhay sa dagat sa kahabaan ng mga babybayin. Mayroong higit sa 72 species na seagrass sa mundo na matatagpuan sa mababaw, baybayin, temperate at tropical na tubig na may humigit-kumulang 300,000 km² sa 159 na bansa. Ang kanilang paglaki ay nalilimitahan ng sikat ng araw at kalinawan ng tubig.

Ayon sa datos mula sa PGENRO at halaw sa mga isinagawang pag-aaral, sa kasalukuyan, tinatayang may higit sa 34.03 hectares ng mga seagrass beds sa baybayin ng Batangas, kasama na dito ang mga matatagpuan sa sakop ng ilang established marine protected areas. Mayroong 5 species ng seagrass sa lalawigan tulad ng Enhalus acoroides (tape grass), Halodule sp, Halophila ovata (Dugong grass), Halodule sp (needle grass), Thalassia sp, at Syringodium sp base sa isinagawang initial survey at mapping ng seagrass beds sa buong baybayin ng lalawigan na pinangungunahan ng PGENRO.

May mahalagang papel na ginagampanan ang seagrass sa buhay dagat at buhay ng tao, tulad ng benepisyo sa kapaligiran, panlipunan at pang-ekonomiya. Ito ay itunuturing na isa sa mga pinaka-produktibong tirahan ng mga isda (nursery) at mapagkukunan ng pagkain para sa marine life. Ang mga isda, pagong at iba pang organism sa dagat ay kumukuha ng pagkain sa mga seagrass beds, bukod pa ito sa mga organism na parte ng kanilang buhay o life-cycle ang mga seagrass. Ang seagrass bed ay tumutulong din sa pagbagal ng pagguho ng dagat at nagpapabuti ng kalidad at kalinawan ng tubig. Ang mabagal na pagguho ng baybayin ay susi sa pagprotekta sa mga tahanan, gusali, resorts at dalampasigan sa panahon ng bagyo at iba pang dulot ng climate change.

Sa kasamaang palad, ang seagrass beds ay nanganganib at nahaharap sa mga banta na pumipinsala tulad ng polluted runoffs, stormwater runoffs at nasisira sa propeller ng bangka. Dahilan sa nutrient pollution, naapektuhan ang seagrass beds na humahantong sa pagtaas ng bilang ng mga algal bloom. Ang stormwater runoff ay naglalaman ng mga particle at sediment na nagpapataas ng labo ng tubig na maaaring hadlangan ang sikat ng araw at limitahan ang paglaki ng seagrass. Samantala, ang propeller scars ay nangyayari kapag ang bangka ay dumadarating sa mababaw na tubig at sinisira ng propeller ang seagrass bed. Ang pagbawi mula sa mga pinsala ay maaring tumagal ng maraming taon. PGENRO – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2

Comments are closed.