2nd Batch ng mga Multi-Purpose Response Vehicles Ipinamahagi ng Kapitolyo sa mga Barangay Recipients

Kapitolyo, Nakiisa sa National Dental Health Month; Motorcade Isinagawa sa Taal
February 8, 2024
Invitation to Bid – GOODS (February 28, 2024)
February 8, 2024

February 8, 2024

Ipinamahagi ng Pamahalaang Panalalawigan ng Batangas ang ikalawang batch ng mga Multi-Purpose Response Vehicles (MRV) na may kabuuang bilang na 186 sa mga barangay recipients mula-sa ibat-ibang local government units sa lalawigan nitong ika-8 ng Pebrero 2024 sa Marble Terrace, Provincial Capitol Complex sa Lungsod ng Batangas.

Nanguna sa turn–over ceremony si Batangas Governor Hermilando Mandanas, kasama sina Vice Governor Mark Leviste, mga board members ng Sangguniang Panlalawigan, at mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan na siyang tumanggap ng mga nasabing sasakyan.

Sa pangunguna ng Provincial Assistance for Community Development Office, naisaayos ang mga kaukulang mga dokumento upang opisyal na maipamahagi ang mga nasabing MRVs, na inaasahang magiging pangunahing “workhorses” sa mga pamayanan, lalo na sa usapin ng transportasyon.

Sa mensaheng ipinaabot ni Governor Mandanas, sinisikap ng pamahalaang panlalawigan na mabigyan ng mga MRVs ang lahat ng mga barangay sa buong lalawigan ng Batangas upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan, hindi lamang sa panahon ng sakuna, kung hindi pati na rin sa pang araw-araw na paggamit ng mga naglilingkod sa mga barangay.

Dagdag pa ng gobernador, ito ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng governor, Sangguniang Panlalawigan, at iba pang mga naglilingkod sa pamahalaang panlalawigan.

Nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat ang kinatawan ng mga MRV recipients na si Barangay Captain Rodolfo M. Zara ng Barangay Sampaguita, Lipa City, na sinabing napakalaking tulong ang dala ng mga nasabing mga sasakayan sapagkat, bukod sa pagtugon sa mga emergency, maisasagawa din nito ang mga pagpapaabot ng serbisyo sa mga kanayunan, at mabilis na makakatugon sa iba pang mga pangangailangan ng barangay.

Itinalaga bilang mga “first responders” sa oras ng kalamidad at sakuna, ang mga barangay sa mga bayan na nasa palibot ng Taal Lake, coastal areas at “low-lying” communities, sang-ayon sa pagtataya ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ang nakatanggap sa unang batch ng mga MRVs noong Oktubre 2022. Matapos ang Taal Volcano eruption noong Enero 2020, nakita ng pamahalaan ang kahalagahan ng ganitong uri ng transportasyon.

Ang nasabing karagdagang mga MRV units ay magdadagdag ng kakayahan sa mga lokal na pamahalaan at mga barangay na agarang tumugon sa mga kalamidad at sakuna sa kanilang mga nasasakupan.
Taglay ng nasabing mga MRV ang kagamitan para sa rescue, medical and community evacuations, at radio communications na magagamit para sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan para sa maayos na pagtugon sa mga panahong ng emergency.

Edwin V. Zabarte & Froilan Salcedo / Photos by Karl Ambida – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.