1st Digital Film Fest sa Batangas Province, Inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan at Batangas Forum

Disability Data Management System Project in Batangas Province Receives Support from International Labor Organization
August 10, 2022
Notice of Vacant Positions
August 12, 2022

August 10, 2022

Matagumpay na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, katuwang ang Batangas Forum for Good Governance and Development Association, Inc. (Batangas Forum), ang DoonPoSaAminSaBatangas@DigitalFilmFestival2022 sa isang media launch sa Barradas Airstrip sa Lungsod ng Tanauan, Batangas noong ika-10 ng Agosto 2022.

Pinangunahan ito nina Gov. DoDo Mandanas at Ginoong Leo Martinez, ang kilalang Batangueño theatre, TV at film director at aktor, sa pamamagitan ng Batangas Forum at Provincial Tourism and Culture and Arts Office (PTCAO), upang mangalap ng short digital film entries patungkol sa mga bagay na ipinagmamalaki ng Batangas sa kultura, sining, turismo, kasaysayan, pamanang lahi, kalikasan at kaunlaran.

Hango ang kauna-unahang digital film fest sa Doon Po Sa Amin Pride Campaign ng Batangas Forum, na mula sa malikhaing isip ni Martinez, at naglalayong maisulong ang socio-cultural-educational development sa lalawigan, partikular sa internet, sa pamamagitan ng pagpapalabas at pagpapalaganap ng mga positibong katangian, gawi at iba pang bagay na likas na Batangueño at makikita sa Batangas.
Paliwanag pa ni Martinez, na popular sa satirical comic character na si Congressman Manhik-Manaog, “Dapat sa COVID-19 lang tayo negative, pero sa buhay ay tayo ay laging positive.” Daan din ang paligsahan upang malinang at mahikayat ang pagkamalikhain at talento ng mga Batangueno filmmakers at practitioners upang makinabang sila sa “creative economy” na inaasahang malilikha ng Philippine Creative Industries Development Act o Republic Act 11904.

Hinikayat naman ni Gov. Mandanas ang mga kababayan na malihok at makiisa sa film festival upang maipakita ang napakaraming ipinagmamalaking yaman ng lalawigan, mula sa tourist destinations, natural resources, ekonomiya, at angking galing at giting ng mga Batangueño.

Ang patimpalak ay bukas sa lahat ng Batangueño, at may kategoryang para sa Youth (edad 18 hanggang 30 taong-gulang) at Open (31 taong-gulang pataas). Bukod sa pagkilala, may mga cash prizes na nakahanda para sa mga magwawagi, na igagawad sa Founding Anniversary ng Batangas Province sa ika-8 ng Disyembre 2022.

Kabilang sa mga nakiisa sa pagtitipon sina 3rd District Board Member Fred Corona, Batangas Forum Chair at dating Tanauan Mayor Franciso Lirio, Tanauan City Councilor Czylene Marqueses, Batangas Cultural and Arts Council President Chiqui Trivino, PTCAO Assistant Department Head Katrin Buted, mga kasapi ng Batangas Forum, at mga media practitioners sa lalawigan.

Batangas Capitol PIO – V. Altar

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2

Comments are closed.