January 31, 2019
Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor Dodo Mandanas, sa pagdiriwang ng ika-74 Liberation Day ng Munisipalidad ng Nasugbu at Centennial plus Four o ika-104th taong pagkakatatag ng Munisipalidad ng Lian noong ika-31 ng Enero 2019.
Sa bayan ng Nasugbu, na pinamumunuan ni Mayor Antonio Barcelon, binukasan ang pagdiriwang ng 74th American Forces Landing Anniversary sa pamamagitan ng Sounds of Liberation, kung saan sabayang nagbigay hudyat sa buong Bayan ng Nasugbu ang pagtunog at pagsilbato ng mga sirena, sabayang pagkalembang ng kampana, at pagpapalipad ng mga kuwitis, na sumisimbolo sa pagdating ng puwersa ng mga Amerikano, alas–kuwatro ng umaga, at nagsisimula na ang liberasyon mula sa mga mananakop na Hapones.
Sinundan ito ng pagdiriwang ng Banal na Misa sa St. John the Baptist Parish Church sa bayan ng Lian, Civic/Military Parade sa Nasugbu at pagsasagawa ng 48 Martyrs Commemorative Rights at Wreath Laying Ceremony sa Nasugbu Pavillion kung saan makikita ang American Forces Landing Monument.
Kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, nakiisa si Governor Mandanas sa paggagawad ng pagkilala at parangal sa mga World War II Veterans ng nasabing bayan. Isa sa mga kinilala si G. Zoilo Ednaco, na tumayong District Commander ng Unang Distrito, bilang pinakamatandang buhay na World War II Veteran sa Lalawigan.
Ang kaganapang ito sa bayan ng Nasugbu ay isa sa mga mahahalagang bahagi ng Philippine Liberation Campaign ng United States Armed Forces to the Far East (USAFFE) kung saan noong ika-31 ng Enero 1945, ang elements ng 11th Airborne Division ng US Eight Army ay bumaba sa nasabing bayan, kasama ang US Navy Flotilla, sa pangunguna ni Gen. Robert Eichelberger and Rear Admiral W. M. Fechteler, sakay sa lead ship USS Spencer upang simulan ang liberasyon ng Batangas mula sa kamay ng mga Hapones.
Matapos mabawi ng US Forces ang bayan ng Nasugbu at iba pang mga bayan sa Batangas, tumulak ang mga ito sa Tagaytay upang magsilbing blocking force ng mga umaatras na sundalong Hapones galing sa Maynila. Isa rin ang Nasugbu Landing Forces sa mga tumugon at lumaban sa isa sa mga pinakamakasaysayang labanan ng World War II, ang Battle of Manila o ang liberasyon ng Maynila.
Sa mensaheng ipinaabot ni Governor Mandanas para sa mga mamamayan ng Nasugbu, sinabi nitong sa darating na ika-75 na pagdiriwang sa isang taon, makikiisa ang buong Lalawigan sa selebrasyon sapagkat ang Nasugbu landings ay tunay na mahalaga ang ginampanan sa kasaysayan. Dahil dito, aniya, nagkaroon ng kaganapan ang liberasyon ng Maynila sa kamay ng mga mananakop, na naging hudyat ng tuluyang liberasyon ng Pilipinas. / Edwin V. Zabarte PIOBatangas.