February 27, 2024
Isa sa mga model building areas ng Yakap Bayan Program (YBP) partikular sa Luzon, ipinamalas ng Bayan ng San Juan, Batangas ang kanilang maagap at mahusay na implementasyon ng nasabing programa, ang matagumpay na pagpapatupad ng after care services sa mga Recovering Persons Who Used Drugs o RPWUDs sa kanilang bayan.
Napasimulan ang nasabing programa sa naturang bayan noong Pebrero 2021, matapos ang paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng San Juan at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Makalipas ang isang taon, ginanap ang 1st RPWUDs Completion Rites noong ika-9 ng Setyembre 2022, na kinabilangan ng 43 kalalakihan mula sa Brgy. Talahiban 2.0 at Brgy. Laiya Aplaya, na siyang mga napiling pilot barangays.
Sa kaparehong taon, natanggap ng lokal na pamahalaan ang Plaque of Recognition mula sa Social Technology Bureau ng DSWD, kasabay ng Social Technology EXPO noong Disyembre 2022.
Ayon kay G. Arnold Enriquez, kasalukuyang San Juan MSWDO Head, naging unang hakbang ng proseso ay ang pagbabalik ng kumpiyansa sa sarili ng mga RPWUDs sa pamamagitan ng pagtukoy at pagtanggap sa kanilang mga naging pagkakamali at kung ano ang nararapat nilang gawin.
Aniya, ang programa ay hindi lamang tumututok sa mga biktima, ngunit maging sa pamilya at komunidad na nakapalibot dito. Isang parte ng kanilang mga serbisyo ang counselling sessions gaya ng family relationship restoration at community reconciliation, na naglalayong burahin ang stigma at maging socially functional ang mga ito.
Nakakatuwa umanong isipin na mismong mga kamag-anak ng mga RPWUDs ang nagbabalita sa kanila ng mga pagbabago na kanilang nasasaksihan sa kanilang kasamahan sa bahay, at ang iba pa sa mga ito ay nagiging kaisa nila sa kanilang adbokasiya.
Kaugnay ng mga naging tagumpay na ito, ang Yakap Bayan initiative ng Bayan ng San Juan ay ibinabahagi sa mga eskuwelahan, seminars, training, at conventions, kabilang ang 2023 Regional Convention at Sharing of Good Practices of the Yakap Bayan Program noong Setyembre nang nakaraang taon.
Samantala, sa panig naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ibinahagi ni PSWDO Assistant Department Head Adelia Macaraig ang patuloy na pagkakaloob ng technical assistance sa mga bayan para sa pagpapaganap nito, kabilang ang pagbibigay ng mga training para sa mga miyembro ng Multi-Disciplinary Team (MDT), na siyang pangunahing nakatutulong sa pagmo-monitor ng development sa mga RPWUDs.
Gayundin, mayroong mga special drug education center at anti-drug symposium na isinasagawa para sa mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga na nakatuon sa nakababatang populasyon, partikular na ang mga out of school youth, na itinuturing na vulnerable dahil sa kanilang exposure at angking kuryusidad.
Ang bayan ng San Juan ay isa lamang sa 8 LGU sa lalawigan na nagpapaganap ng Yakap Bayan Program para makamit ang drug-free Batangas. Ang YBP ay programa ng DSWD na naglalayong magbigay ng isang holistic na interbensyon sa mga indibidwal na nasa treatment/rehabilitation dahil sa pag-abuso sa droga o drug dependency, at matulungan sila na makabalik bilang isang aktibong miyembro ng lipunan.
— Gian Marco Escamillas, Batangas Capitol PIO with reports from San Juan LGU / Screencap from B’yaheng Kapitolyo