May 31, 2024
Nagsama-sama kamakailan ang mga Officers at miyembro ng Batangas Marine Protected Area and Bantay Dagat Network (BMPAN at BBDN) para sa isang regular na pagpupulong na ginanap sa Conference Room ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO) sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.
Ito ay dinaluhan ng mga MPA Lead Persons at Bantay Dagat Coordinators mula sa mga bayan ng Balayan, Bauan, Calatagan, Lemery, Lian, Lobo, Mabini, Nasugbu, San Juan, San Luis, Taal, Tingloy, Batangas City at Calaca City (C/MENR Officers, Municipal Agriculturists, Fishery Management Officers, Fishery Technicians, Bantay Dagat Chairpersons, focal persons ng mga national government agencies sa lalawigan, (DILG, DA-BFAR PFO, DENR-PENRO, PNP BPPO, PNP Maritime Group, PCG, PAF), provincial government offices (SP, Provincial Legal Office, OPA, PPDO, PSWDO, PIO, PTCAO) at non-government organizations (Malampaya Foundation, Inc., Conservation International-Phils., First Gen Corporation).
Sinimulan ang pagpupulong sa isang makabuluhang mensahe na ibinigay ni G. Luis A. Awitan, pinuno ng PGENRO, sa lahat ng miyembro ng BMPAN at BBDN. Hiniling niya sa lahat na maging mapagmasid at mapagbantay sa lahat ng mga kaganapan sa katubigan upang mapanatili ang isang malinis at mayamang karagatan.
Inilahad sa nasabing pagpupulong ang status o kalagayan ng mga naging programa at gawain ng BMPAN at BBDN sa nakalipas na buwan ng Enero hanggang Mayo, taong 2024, na may kaugnayan sa pamamahala ng mga MPAs, pagpapatrolya at pagpoprotekta ng mga Bantay Dagat, kaagapay ang mga enforcement agencies laban sa mga iligal at mapaminsalang mga gawain sa karagatan.
Masinsinan ding tinalakay sa pagpupulong ang mga kaakibat na gawain kaugnay ng programa para sa Pagbabantay sa Munisipal na Katubigan sa Probinsya ng Batangas ayon sa Probisyon ng RA 10654 o ang Philippine Fisheries Code na isinagawa noong Disyembre 1, 2023 hanggang Marso 31, 2024. Muling magdadaos ng pagpupulong upang pagtalakayan ang mga paghahanda para sa pagpapatuloy ng programang ito.
Gayundin, naging panauhin sa nasabing pagpupulong si Bb. Giani Sumajit, GIS Consultant ng Conservation International Phils, na naglahad ng isang nakatakdang gawain para maayos na ma-i-mapa ang mga deklaradong marine protected areas (MPAs) sa buong lalawigan na makakatulong sa maayos na pagpaplano ng mga susunod na gawain sa pangangalaga at pagpoprotekta ng mga MPAs, hindi lamang sa Batangas, kundi sa buong Verde Island Passage.
Ito ay kaugnay sa tagubilin ni Gov. DoDo Mandanas na tuloy-tuloy isakatuparan ang iba’t-ibang inisyatibo ng PGENRO upang mapanatili ang isang maayos at masagang karagatan, at malinis at luntiang kapaligiran sa buong lalawigan ng Batangas.
PGENRO – Batangas PIO