Natatanging Batangueño Artists, kinilala sa Gawad Kumintang Para sa Sining Awards 2024

Notice of Vacant Positions
February 28, 2024
Invitation to Bid – Goods (March 15, 2024)
March 7, 2024

February 29, 2024

Buhay na buhay ang mayaman at matingkad na sining at kultura ng Lalawigan ng Batangas dahil sa malikhaing imahinasyon, nag-uumapaw na talento, at hindi matatawarang kontribusyon ng mga Pilipinong Batangueño artists. Ito ang nangibabaw na diwa sa kauna-unahang pagdaraos ng Gawad Kumintang para sa Sining Awards 2024 noong ika-27 ng Pebrero 2024, na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Pinangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Panlalawigang Tanggapan ng Turismo at Ugnayang Pangkultura (PTCAO) at Sangguniang Pangkultura at Pangsining ng Batangas (BCAC), ang naturang programa, na may layuning kilalanin ang mga tagapagtaguyod ng sining sa Batangas at mas maisulong pa ang pagpapahalaga sa naturang larangan na nakapaloob sa daang taong pagkakakilanlan ng lalawigan.

Ang awarding ceremony ay nagsilbi ring bahagi ng pakikiisa ng pamahalaang panlalawigan sa pagdiriwang ngayong buwan ng Pebrero ng Pambansang Buwan ng mga Sining, alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon bilang 693 na nilagdaan noong 1991.

Ang paggagawad ng mga pagkilala sa mga awardees ay pinangunahan nina Provincial Administrator Wilfredo Racelis, bilang kinatawan ni Governor Hermilando Mandanas, PTCAO head Katrin Erika Buted, at Tagapangulo ng BCAC, Atty. Sylvia Marasigan, kasama ang iba pang mga miyembro ng council. Ang mga kinilalang natatanging Batangueño ngayong taon ay binubuo ng mga indibidwal at grupong nagmula o ibinatay sa pitong larangan at disiplina ng sining.

Kabilang sa mga ito sina, para sa Arkitektura: Architect Joy Manalo – Merhan ng San Pascual; para sa Sayaw: Dr. Lordinio Vergara ng San Juan, Jose Alvin Remo ng Batangas City, at Likhang Sining Dance Company ng Batangas City; para sa Literatura: Norma Mye Atienza ng Taal, Annaliza Santos ng Sta. Teresita, at Emmanuel Rigoberto Tolentino ng Batangas City; para sa Sining Midya: Robert Marrel Dela Vega ng Nasugbu; para sa Musika: Dr. Maria Theresa Vizconde Roldan ng Mataasnakahoy at Cresenciano Christopher Boy Ramos ng Sto. Tomas City; para sa Teatro: Peregrine Santiago ng Batangas City, Mike Wendel Sangalang ng Lipa City, at Natasha Cabrera Cruz ng Nasugbu; at para sa Sining Biswal: Bernardo Maac ng Balayan, Carlos Castro ng San Juan, Josephine Adame ng San Pascual, Abelardo Bill Perez Jr. ng Batangas City, Florna Ada Panopio ng San Pascual, at Architect Dhennis Sigua ng San Pascual.

Bukod dito, binigyang-rekognisyon din ang mga natatanging lokal na pamahalaan sa probinsya, kabilang ang Padre Garcia (Mr. Romy Diaz, Tourism Officer), San Juan (Ms. Elsie Sadsad, Tourism Officer) at Lipa City (Ms. Aylene Acorda, Tourism Officer), at ang pitong sectoral heads na bumubuo ng BCAC, na pawang mga nagsisilbing katuwang ng PTCAO sa pagpapatupad ng mga programa at proyektong higit na nakatutulong sa pagpapayabong ng kultura at sining ng lalawigan.

Ang mga kinilalang mga sectoral heads ay sina Architect Cherry Lubat-Mendoza, Sektor ng Arkitektura; Luisito Nario, Sektor ng Teatro; Lino Acasio, Sektor ng Sining Biswal; Dr. Edward Babasa, Sektor ng Musika; Philip Baroja, Sektor ng Literatura; Manrique Cabaya, Sektor ng Sayaw; at, Chiqui Trivinio, Sektor ng Sining Midya.


Ang nasabing programa ay kinatampukan din ng film screening ng ‘Indio-Genius: 500 Taon ng Labanang Kultural,’ na mula sa direksyon ni internationally acclaimed cinema documentarian at Dangal ng Batangan Awardee Pablo Gabriel R. Malvar. Ito ay patungkol sa mga adbokasiya ng National Artist for Film na si Eric Oteyza o mas kilala bilang Kidlat Tahimik.

Dagdag pa sa makabuluhang pagtitipon ang ilang mga pagtatanghal ng mga kilalang grupo, tulad ng Likhang Sining Dance Company, Batangas State University Dance Company, at Tanghalang Batangueño na nagtanghal ng Hibik at Himagsik nina Viktoria Laktaw.

Ipinarating naman ni Provincial Administrator Racelis sa kaniyang mensahe ang mainit na pagbati ni Governor Mandanas sa lahat ng mga ginawaran ng pagkilala. Tinalakay rin niya ang kahalagahan ng pamanang kultura at sining na mayroon ang lalawigan sa panahon ngayon.

Ayon pa kay Ginoong Racelis, ang kultura at sining ay tunay na nagpapakita at sumasalamin sa isang lugar, kung kaya’t malaki ang kaniyang pasasalamat sa tulong ng bawat isang Batangueño upang makapaghatid ng iba’t ibang hakbang para mapangalagaan at malinang pa ang kultura at sining ng probinsya.

Sa ibinahagi pang updates ng provincial administrator, inilahad niya ang ginagawang pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ng PTCAO, upang patuloy na maisulong ang Verde Island Passage at Taal Volcano Protected Landscape na mapabilang o makasama sa listahan ng mga kinikilala bilang UNESCO World Heritage Sites, na ngayon aniya ay nasa tentative list na. Kasama pa sa kaniyang pag-uulat ang hakbang na ginagawa ng Kapitolyo para sa pagpapanumbalik ng Kapeng Barako at ang pagtataguyod ng natatanging relasyon nito sa Batangas.

Naging daan din ang programa para pormal na buksan ng PTCAO ang nominasyon sa Dangal ng Batangan Awards 2024, na taunang pagkilala sa mga mahuhusay na Batangueño na nagbibigay karangalan sa lalawigan, sa pamamagitan ng kanilang natatanging kontribusyon sa ‘promotion and preservation’ ng kultura at sining ng lalawigan. Maaaring isumite ang nominasyon hanggang Setyembre ngayong taon, at nakatakdang parangalan ang mga itatanghal na panalo sa selebrasyon ng ika-443 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Lalawigan ng Batangas sa December 8, 2024.

Ang Gawad Kumintang para sa Sining 2024 ay dinaluhan nina Lipa City Mayor Eric Africa, gayundin ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan, mga empleyado ng Kapitolyo, at ilang tourism and culture and arts officers ng mga lokal na pamahalaan sa Batangas. Ginagabayan ang pagdiriwang ng Arts Month ngayong taon ng temang, “Ani ng Sining, Bayang Malikhain.”

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO/
Photos: Junjun De Chavez

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.